(Pahayag binawi sa Dacera slay) WALANG DROGA SA PARTY

BINAWI ng isa sa mga respondent sa pagkamatay ng flight attendant na si Christine Dacera ang una nitong pahayag na isa sa mga bisita ang may dalang powder drugs sa New Year’s Eve party nila sa isang hotel sa Makati.

Unang nakasaad sa sinumpaang salaysay ni JP Dela Serna, na nakita niyang naglabas umano ng powder drugs si Mark Anthony Rosales, isa sa mga bisita, at inalok siyang gumamit pero tumanggi siya.

Ayon kay Atty. Abby Portugal, isa sa mga abogado ni Dela Serna at apat na iba pang respondent, galing umano sa mga pulis ng Makati ang usapin ng naturang powder drugs.

“The powder issue insinuating drug use actually came from the mouth of the PNP Makati,” pahayag ni Portugal sa mga mamamahayag.

“It was added by them after subjecting the two detained to mental torture and misrepresentations that they will be released from detention and that no charges will be filed against them,” dagdag ng abogado.

Sina Dela Serna, Rommel Galido, at John Paul Halili ay ilang araw na idinetine sa Makati police station ngunit pinalaya rin ng piskalya habang nagsasagawa ng preliminary investigation sa tunay na dahilan ng pagkamatay ni Dacera.

Giit ni Atty. Portugal na naninindigan ang kaniyang mga kliyente na walang droga sa naturang party at negatibo sa drug test ang mga ito.

“They did not see any drugs. As per Rommel Galido, he was just told by Christine that she thinks that drug (illegal) was mixed in her drink… so purely hearsay,” ani Portugal.

Agad naman itong itinanggi ng Makati Police.

Kanina ay sinimulan na ng Makati Prosecutor’s Office ang preliminary investigation sa mga nasasangkot at ipagpapatuloy ito sa Enero 27.

Dumalo ang pito sa 11 respondents sa kaso na kinabibilangan nina Clark Rapinan, Rommel Galido, Valentine Rosales, Jigo De Guzman at kanilang mga abogado. PMRT

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *