(Panawagan ng Obispo sa publiko) MAGDASAL UPANG MAIADYA SA BAGYONG ROLLY

Roberto Gaa

HINIKAYAT  ni Novaliches Bishop Roberto Gaa ang mamamayan na magkaisa sa panalangin upang iadya ang Filipinas sa epekto ng pag-landfall ng bagyong Rolly.

Ayon kay Gaa, wala nang hihigit sa kapangyarihan ng Diyos upang pigilin ang anumang sakuna hangga’t may pagka-kaisa ang mananampalataya sa pagdarasal.

“Ipinagdarasal po natin ang lahat ng tao na maapektuhan po ng bagyong Rolly, kailangan magkaisa tayo na humingi ng biyaya at tulong ng Diyos na maging ligtas po ang lahat,” panawagan  pa ni Gaa sa mananampalataya sa panayam ng church-run Radio Veritas, kasunod nang pagtaya ng PAGASA na magla-landfall ang bagyong Rolly ngayong Linggo o Lunes ng umaga.

Kasalukuyang nasa loob na ng Philippine Area of Responsibility ang bagyong Rolly kung saan mas lumakas ito habang papalapit sa lupa at tinatayang aabot sa 165 hanggang 185 kilometro kada oras ang lakas ng hanging taglay ng bagyo.

Samantala, ipinagdarasal din ni Legazpi Bishop Joel Baylon na mabigyang proteksiyon ang lahat lalo na’t humaharap sa krisis ang mamamayan dulot ng pandemya.

“Panginoong aming Diyos, muli po kaming dumudulog sa Iyong harapan sa paghingi ng tulong, kalinga at proteksiyon sa mga pagsubok na hinaharap namin ngayon; Ipadala Mo sa amin ang Iyong mga anghel upang ipagtanggol kami at ilayo sa kapahamakan at sakit na maaring idulot ng mga paparating na bagyong Rolly at Siony,” ayon kay Bishop Baylon.

Kapwa rin hinimok ng dalawang Obispo ang mananampalataya na huwag kalimutan ang kapwa sa panahon ng mga sakuna at kalamidad partikular ang mga higit maapektuhan.

Samantala, hinikayat naman ni Nueva Caceres Archbishop Rolando “Tria” Tirona ang mga Pari at religious communities ng Arkidiyosesis na magsagawa ng prayer vigil para iadya sa kapahamakan ang mga lugar na tatamaan ng bagyong Rolly.

“I enjoin you dear Parish priests and Religious communities to have a prayer vigil or offer a votive Mass to spare our people and Mother nature from further sufferings and pain the two typhoons may bring,” mensahe ni Tirona. ANA ROSARIO HERNANDEZ

0

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *