(Panawagan ng Simbahan para sa mga apektado ng pagsabog ng Mt. Taal) DASAL, TULONG

CARDINAL TAGLE

Sa panig ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle, na siya ring incoming Prefect for the Congregation of the Evangelizations of Peoples, nananalangin siya sa Panginoon ng ibayong kalinga na ma­tulungan sa pagharap ng kasalukuyang pagsubok na kinakaharap ng mga ito dahil sa pagsabog ng bulkan.

Ayon kay Tagle, tanging ang Diyos lamang ang may kakayahan upang pahupain ang aktibidad ng bulkan na kasalukuyang patuloy sa pagbubuga ng abo na umaabot na sa mga kalapit nitong lalawigan.

Higit ring inaalala ng Cardinal ang kaligtasan ng mga matatanda, may karamdaman at iba pang nangangailangan ng pagkalinga upang maging ligtas sa sakuna at kapahamakan dulot ng aktibidad ng bulkang Taal.

Ayon sa Philvocs, nanatiling nakataas sa alert level 4 ang lagay ng bulkan, kaya’t lubha pa itong mapanganib.

Nanawagan rin si Tagle sa mga mamamayan na naninirahan sa paligid ng bulkan na manatiling alerto at magsilikas na.

Dasal pa niya, nawa’y handang lumi­ngap ang mga mamamayan sa pangangailangan ng mga apektadong residente at maging ang pa­ngangalaga sa kalikasan na bahagi ng likha ng Poong Maykapal.

“Diyos na makapangyarihan, muling kaming humaharap sa pagsubok dulot ng pagsabog ng Bulkang Taal. Napakaliit namin upang harapin ang lakas ng bulkan. Subalit nani­niwala kaming mapapahupa ng Iyong kamay ang bangis nito. Iligtas mo po kami sa kapahamakan, lalo na ang mga mahihirap, may karamdaman, mga bata at nakatatanda at nag-iisa,” bahagi ng panalangin ni Tagle. “Paigtingin mo rin sa amin ang pagdadamayan, pag-mamalasakit at pangangalaga sa kapwa at kalikasan. Hinihiling namin ito sa ngalan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo, Amen.”

Samantala, sa panig naman ni Lipa Batangas Archbishop Gilbert Garcera, chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on Family and Life (CBCP-ECFL), umaapela rin siya sa publiko ng panalangin para sa kaligtasan ng mga mamamayang apektado ng pag-sabog ng bulkan.

Ayon kay Garcera, higit na kinakailangan ngayon ang tulong ng Diyos upang matigil ang aktibidad ng bulkan na pinangangambahang tuluyang sumabog.

“Ipagdasal niyo kami, hari nawa sa tulong ng Panginoon ay mahinto na ang pagbuga ng abo dito sa bulkang Taal,” panawagan ni Garcera sa panayam ng church-run Radio Veritas.

Aniya, binuksan na rin ng Arkidiyosesis ang mga simbahan upang magsilbing pansamantalang matutuluyan ng mga lumikas na residente.

Ibinahagi pa ng arsobispo na humigit-kumulang na 3,000 indibiduwal ang kinalinga ng arkidiyosesis simula Ene­ro 12, na kinabibilangan ng mga senior citizens, Person With Disabilities, mga buntis at mga kabataan na mula sa Calawit, Batangas na malapit sa crater ng bulkan.

Bukod sa dasal, umaapela rin ng tulong ang Arsobispo para sa mga pangangailangan ng lumikas na residente tulad ng pagkain at tubig.

Ang mga nais aniyang magpaabot ng tulong ay makipag-ugna­yan o tumawag lamang sa mga numerong (043) 404-8057, 09255595968, 09175089701, at 09177045064 o ‘di kaya ay magpadala ng tulong sa Caritas Manila, Savings Account Name: Caritas Manila, Inc., Banco De Oro – Savings Account No.: 5600-45905; Bank of the Philippine Islands – Savings Account No.: 3063-5357-01; at Metrobank – Savings Account No.: 175-3-17506954-3.

Para naman sa dollar accounts maaaring magpadala sa Bank of the Philippine Islands – Savings Account No. 3064-0033-55, Swift Code – BOPIPHMM; Philippine National Bank – Savings Account No. 10-856-660002-5, Swift Code – PNBMPHMM.

Maaari rin umanong magpadala ng donasyon sa Caritas Manila sa pamamagitan ng Cebuana Lhuillier na free of charge. ANA ROSARIO HERNANDEZ

0

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *