PBAPC AWARDS NIGHT: MR. EXECUTIVE SI MARCIAL

Willie Marcial

PAPAGITNA rin ang taong nasa likod ng matagumpay na pagdaraos ng PBA Philippine Cup bubble sa PBA Press Corps virtual Awards Night sa Linggo sa TV5 Media Center.

Igagawad ng grupo na nagko-cover sa PBA beat ang titulong Mr. Executive kay Commissioner Willie Marcial sa matapang na pamumuno sa 500-plus strong league delegation sa Clark, Pampanga para matagumpay na maidaos ang restart ng 45th season sa gitna ng pandemya.

Si Marcial ay isa sa major awardees sa hour-long event na itinataguyod ng  Cignal TV at ipalalabas sa March 8 sa PBA Rush.

Kasama ni  Marcial si 2019 Danny Floro Executive of the Year, PBA Chairman Ricky Vargas na pararangalan sa event na iho-host nina Rizza Diaz at Carlo Pamintuan.

Isa pang award, ang Outstanding Coach of the Bubble, ang pangangalanan.

Ang 12 teams na naging masigasig para hindi makansela ang PBA season ang tatanggap ng bubble President’s Award, kasama si 2019 winner Vergel Meneses, ang kasalukuyang Bulakan, Bulacan mayor at isa sa 25 Greatest Players sa kasaysayan ng liga.

Si San Miguel mentor Leo Austria naman ang awardee para sa 2019 Baby Dalupan Coach of the Year habang pararangalan si NorthPort veteran Sean Anthony bilang 2019 Defensive Player of the Year.

Ang iba pang awards na ipagkakaloob ay ang Top Bubble D-Fender (Justine Chua), All-Bubble D-Fenders (Calvin Abueva, Chris Ross, Mark Barroca, Christian Standhardinger, and Chua), Mr. Quality Minutes (RJ Jazul), Scoring Champ (CJ Perez), Game of the Bubble (Barangay Ginebra-Meralco Game 5 semis) at ang All-Rookie Team (Aaron Black, Arvin Tolentino, Roosevelt Adams, Barkley Ebona, and Renzo Subido).

Bibigyan naman ng special citation ang PBA staff para sa kanilang non-stop work para masigura ang kaligtasan sa Clark bubble. CLYDE MARIANO

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *