PBAPC SI BOLICK

BEST Player of the Game sa bisperas ng kanyang kaarawan. Ngayon ay Player of the Week isang araw makaraang maging 26-anyos.

Pinangunahan ni Robert Bolick ang NorthPort sa pagwalis sa tatlong laro nito sa loob ng isang linggo sa pagbabalik ng koponan sa aksiyon sa PBA Philippine Cup.

Ang prolific guard mula sa Samar ay may average na 19.3 points, 6.3 rebounds, at 6.7 assists sa tatlong sunod na panalo ng Batang Pier kontra Blackwater, Terrafirma, at NLEX sa Don Honorio Ventura State University gym.

Tinampukan ni Bolick ang unbeaten run ng koponan sa pagpantay sa kanyang career-high 26 points sa 10-of-20 shooting mula sa field sa 96-94 victory laban sa Road Warriors kung saan siya napiling Best Player of the Game, ilang oras bago ang kanyang kaarawan noong Sept. 13.

Pinangunahan ang biglang pag-angat ng NorthPort sa standings sa 4-3 at nakabalik sa kontensiyon para sa isang quarterfinals berth, ang 6-foot-1 combo guard mula sa San Beda ay itinanghal na Cignal Play-PBA Player of the Week para sa Sept. 8-12 period.

Tinalo ni Bolick sa weekly citation si TnT Tropang Giga rookie guard Mikey Williams.

Ang iba pang contenders para sa naturang parangal ay ang teammate ni Bolick sa NorthPort na si Jamie Malonzo, Phoenix duo nina Jason Perkins at Matthew Wright, San Miguel’s Terrence Romeo at Marcio Lassiter, at Rain or Shine’s Javee Mocon at rookie Leonard Santillan.

Sa kabila ng kanyang individual brilliance ay sinabi ni Bolick na naging sandigan ng Batang Pier sa unbeaten run nito ang kanyang teammates sa gabay ni team manager at interim coach Bonnie Tan.

“Inspired lang kami talaga maglaro. Gusto naming umangat ngayon. Maraming magandang pieces ngayon. Solid ‘yung performance namin hindi lang sa akin,” aniya.

Kasabay nito ay inialay ni Bolick ang lahat ng panalo ng NorthPort sa buong team coaching staff sa pamumuno ni Pido Jarencio, na patuloy na nasa ilalim ng health and safety protocols ng liga.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *