PGH, EAMC MAY DAGDAG PONDO RIN SA ILALIM NG 2021 NAT’L BUDGET

TATAK PINOY

LAHAT tayo, takot magkasakit. Pero, hindi lahat, may iisang dahilan.Ang mga kababayan natin na medyo nakaaangat sa buhay, takot magkasakit dahil ang inaalala nila, maaapektuhan ang mga pang-araw-araw nilang gawain at makasasagabal ito sa kanilang iba’t ibang aktibidad.

Pero ang mga kababayan nating salat sa buhay, takot magkasakit dahil wala silang pambili ng gamot, o kaya naman, walang kakayahang magpaospital at magbayad ng doktor. May mga pagkakataon pa po na kahit  may sakit, imbes na bumili ng gamot, pagkain na lang ang kanilang binibili.

Nang maaprubahan po ang P4.5 trilyong national budget, malaking parte nito ay inilaan sa pagpapaunlad ng ating healthcare system. Kaya nga po’t bukod sa dagdag pondo na isinulong natin para sa PCMC, iginiit din natin ang pagpapataas sa pondo ng Philippine General Hospital (PGH). Ang PGH po, batid nating lahat, ay takbuhan ng mga kababayan nating walang kakayahang magbayad sa malalaki at pribadong ospital.

Dahil po riyan, nang lagdaan ni Pangulong Duterte ang 2021 national budget, napagtibay rin ang increased budget ng PGH na umaabot ng P1.54B.

Ngayong dumaranas tayo ng pandemya at walang kasiguruhan sa COVID-19, higit nating kailangang gawan ng paraan upang mas mapalawak ang serbisyo ng ating government hospitals.

Base po sa datos, mahigit 600,000 pasyente ang napagsisilbihan ng PGH kada taon. Isa ang PGH sa mga modernong tertiary government hospitals kaya ganoon na lang po ang pagtutulak natin na dagdagan ang pondo nito.

Bakit naman natin iginiit ang dagdag pondo para sa PGH? Napakarami pong dahilan at isa riyan ay upang mapalawak ang kanilang kakayahan na tumanggap ng mga pasyenteng nangangailangan ng heart sur-gery o operasyon sa puso.

Isa ang sakit sa puso sa mga ka­ramdamang may pinakamataas na mortality rate sa Filipinas. At isa sa mga dahilan kung bakit marami ang namamatay dito ay dahil sa kawalan nila ng kakayahang maka-pagpa-opera sa puso.

Sa kasalukuyan po, tinatayang 50 pasyente kada taon ang sumasailalim sa heart surgery sa PGH. At bawat isa ay  nagkakahalaga ng P170,000 o P8.5 milyon sa buong taon.

Pero dahil po sa dagdag pondo na ito sa PGH, magkakaroon na sila ng kakayahang makagawa ng hanggang 200 heart surgeries ngayong 2021.

Bukod pa po riyan, maisasakatuparan na rin ng PGH ang layunin nilang makapagpatayo ng multi-specialty facility. Ang pasilidad pong ito ay nakalaan para sa mga pasyenteng nangangailangan ng specialists sa renal care, sa mga karamdamang may kinalaman sa pag-iisip, sa balat, sa neuroscience at advance laboratory services.

Maaari na rin nilang maumpisahan ang konstruksiyon ng kanilang microbial bank na susuporta sa research and development activities ng PGH.

Sa ilalim po ng 2021 budget, may pondo na rin para sa pagpapatupad ng National Screening Act o RA 11358, kung saan ay nagsilbi po tayong principal sponsor.

Nasasailalim po sa RA 11358 ang National Vision Screening Program para sa mga batang may edad na 5 o 6, upang matukoy kung sila ay may errors of refraction at amblyopia o ‘yung tinatawag na lazy eye. Ang lazy eye ay isang kondisyong madalas magsimula sa edad na 5 hanggang 9. Kung magagamot ito bago sumapit ang bata sa edad na 7, maaaring masolusyunan ito base sa pagsusuri ng mga doktor.

Ang NVSP ay magkakaakibat na pinamumunuan ng UP-Philippine Eye Research Institute, ng Department of Health at ng Department of Education.

Isa rin sa mga government hospital na pinagkalooban ng dagdag pondo ngayong taon ang East Avenue Medical Center.

Sa pamamagitan ng kanilang dagdag budget, mapopondohan na nila ang pagtatayo ng radiation center para sa kanilang cancer patients.

Tinatayang 37 milyon din ang pondong inilaan upang makapagsagawa ang EAMC ng RT-PCR tests para sa COVID, at P124 milyon para sa pagbili ng laboratory  network commodities.

Higit sa lahat, kaya po tayo nagsulong na dagdagan din ang kanilang pondo ay para makabili rin sila ng dagdag na 20 dialysis machines bilang suporta sa 15 machines na ginagamit ngayon ng EAMC.

Lahat po ng maaari nating gawin para mapalakas ang sistemang pangkalusugan ng bansa ay isusulong natin. Iyan po ang natatanging paraan upang mapaghandaan natin ang mga kasalukuyang krisis at yung mga posibleng danasin pa natin sa mga darating na panahon. Na – huwag naman sana.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *