(Poe sa BSP) FRAUD VICTIMS SAKLOLOHAN

Grace Poe

HINIMOK ni Senadora Grace Poe ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na isulong ang karapatan ng mga consumer at gamitin ang kapangyarihan sa mga bangko para matiyak na maibalik ang pera ng mga naging biktima ng panloloko.

“Financial regulators are keen on throwing banks a line when they are deemed to be too big to fail. Equally, individuals deserve proper and timely support. People should be at the core of what government does and no one should be too small to ignore,” pahayag ni Poe, chairperson ng Senate committee on banks, financial institutions and currencies.

Nauna nang sinabi ng BSP na nag-aalangan ang mga tao na makipagtransaksiyon online dahil sa takot na sila ay ma-scam o ma-hack.

Layon naman ng BSP sa pagsusulong ng online transaction na maging digital na pagsapit ng 2023.

Subalit may ilang grupo na ang binuo sa social media para sa mga biktima ng online bank fraud. Isang grupo ang nagtipon ng datos hinggil sa halaga ng nawala sa kanila kung saan mahigit 150 biktima na ang lumantad at nawalan ng aabot sa P7.5 milyon.

Ayon kay Poe, kung matutugunan ang mga hinaing ng mga consumer at matulungan silang maibalik ang pinaghirapan nilang pera, makatutulong ito para mapalakas ang kumpiyansa ng mga consumer sa online transaction.

Madalas din na nabibiktima ng online bank fraud ang mga overseas Filipino worker.

Bagaman nakatutulong ang chatbot ng BSP kung saan sila puwedeng magreklamo, gayundin ang information campaign para madagdagan ang awareness o kamalayan kung paano maiiwasang mabiktima ng panlilinlang, kailangan pa, aniya, ng mas pinaigting na pagtugon.

Ayon sa BSP, umabot sa 23,000 reklamo ang kanilang natanggap mula sa online chatbot sa website sapul nang buksan ito sa publiko noong nakaraang taon.

“Some of the money stolen go to accounts that victims have identified. Banks are expected to timely and effectively act. Certainly, the BSP must leave no stone unturned in safeguarding the welfare of our consumers,” sabi ni Poe.

Nitong Enero, ipinasa ng Kongreso at pinagtibay ang  Republic Act 11521 o ang An Act Further Amending the Anti-Money Laundering Act.

Ayon kay Poe, sponsor ng naturang batas sa Senado, ang pag-amyenda sa Anti- Money Laundering Act ay makatutulong sa mga regulator na madetermina ang money trail at maresolba ang ilang kaso ng money laundering.

“People have lost their jobs. They shouldn’t unduly lose their savings, too,” diin ng senadora.

Ang mga bangko at mga financial institution sa ilalim ng pamamahala ng BSP ay obligadong panatilihin ang record ng mga transaksiyon. VICKY CERVALES

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *