PROBLEMA SA IRIGASYON PINAAAKSIYUNAN

NIA-5

KINALAMPAG ng isang neophyte party-list lawmaker ang pamunuan ng National Irrigation Administration (NIA) para aksiyunan ang daing ng mga magsasaka, partikular sa bahagi ng Central Luzon, patungkol sa kakulangan umano ng patubig sa kanilang taniman.

Sinabi ni Magsasaka party-lisy  Rep. Argel Cabatbat na hanggang ngayon ay hindi pa rin nasosolusyunan ang nabutas na rubber gates ng Bustos Dam habang mayroong 500-metrong nagbitak-bitak at umangat na pader ang Superdivision Canal sa Rizal, Nueva Ecija.

“Buong Central Luzon ang namomroblema sa suplay ng tubig, at siguradong apektado ang pagtatanim ng bigas mula sa ‘rice granary’  ng bansa,” ayon pa sa mambabatas.

Aniya, dahil sa problema sa irigasyon, hindi lamang naantala ang pagtatanim ng palay kundi apektado rin ang lokal na produksiyon ng bigas kung kaya marapat lamang na kumilos ang NIA at resolbahin ang problema.

“Naghahabol tayo ng rice supply sa panahong ito. Nagsimula na ang ulan, pero hindi pa rin dumadating ang tubig galing sa programang irigasyon. Sa panahon ng krisis at pandemya, ang pagpapatibay sa lokal na prdoduksiyon ng pagkain ang  unang hakbang upang maiwasan ang pagkagutom ng ating mga kababayan,” giit ni Cabatbat.

“Nananawagan tayo sa pamunuan ng NIA na ayusin ang mga problema sa lalong madaling panahon. Bawat araw na nasasayang dahil hindi makapagtanim ang ­ating mga magsasaka ay dagdag na bilang ng mga hindi makapagtrabaho at nagugutom sa mga panahong ito. Kailangan ng mabilis na aksiyon at koordinasyon mula sa mga kinauukulan, dahil ordinaryong Filipino na naman ang matatalo kung isasawalang-bahala ito,” dagdag  pa niya. ROMER R. BUTUYAN

0

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *