PUWEDENG GAWIN NG BUONG PAMILYA (Sa pagdiriwang ng Valentine’s Day)

Valentines day

HINDI lamang magkasintahan o mag-asawa ang nagdiriwang ng Valentine’s Day, kundi maging ang buong pamilya. Gina­gamit nga naman ng marami sa atin ang okasyon upang makapag-bonding ang bawat miyembro ng pamilya at makapag-relax na rin.

Sa mga nagtitipid o ayaw lumabas ng bahay ngayong darating na Araw ng mga Puso, ma­rami kayong puwedeng gawin at makapag-e-enjoy pa rin kayo. Narito ang ilang tips na puwede ninyong subukan nang maging masaya kahit nasa loob lang ng bahay:

VALENTINE’S DAY SALO-SALO

Ano pa nga ba naman ang makapagpapasaya sa atin kundi ang kumain ng masasarap na pagkain. Sa panahon ngayon, pagkain ang isa sa nagiging dahilan kaya’t sumasaya at nakakapag-bonding ang isang pamilya.

Kaya naman, kung ayaw lumabas ng bahay, puwedeng-puwede kayong magluto ng mga paborito ninyong putahe. Masayang bonding din ang pag-luluto. At kung buong pamilya rin ang magtutulong-tulong sa pagluluto,  bukod sa mas magiging malapit kayo sa isa’t isa ay magiging daan pa ito upang mapakain kayo ng marami.

MAG-VALENTINE’S DAY MOVIE MARATHON

Maganda ring bonding ang panonood ng kinahihiligang palabas. Hindi na nga naman kailangang magtungo pa sa mall o movie house para lang makapanood tayo ng mga palabas na nakapagpapasaya sa atin. Sa bahay lang ay magagawa natin ito lalo na ngayon na uso na ang gadget at hindi nawawalan ng internet ang marami sa atin.

Nagagamit nga naman natin ang ating gadget sa panonood ng movie sa online. Kaya naman, kaysa ang gumastos ay puwedeng-puwede ninyong gawing mag-movie marathon sa bahay lang.

Tiyak na ma-e-enjoy ninyo ito at makapagba-bonding pa kayo ng buo ninyong pamilya.

SORPRESAHIN ANG MGA MAHAL SA BUHAY

Hindi naman ka­ilangang magarbo ang pagdiriwang natin ng Valentine’s Day.  Kahit simple lang ito, magi­ging kakaiba at kasiya-siya pa rin kung buo ang pamilya.

Kaya’t wala nang mas sasaya pa kung kompleto ang buong pamilya sa naturang okasyon. Kumbaga, kung lagi kayong abala sa trabaho, panahon na upang sorpresahin ninyo ang inyong mga mahal sa buhay sa pamamagitan ng paglalaan ng oras at panahon sa kanila ngayong Araw ng mga Puso.

Puwede mo ring pagandahin o dekorasyunan ang inyong tahanan nang maging kaakit-akit ito sa paningin ng buong pamilya.

MAKIPAGLARO SA BUONG PAMILYA

Hindi naman lingid sa marami na bilang magulang, kaliwa’t kanan ang obligasyong nakapatong sa ating balikat.

Pero sa kabila nito, hindi rin dapat kina­liligtaan na importanteng nakapagbibigay tayo ng kahit na saglit na panahon sa ating pamilya.

Kumbaga, halimbawa na lang ngayong paparating na Valentine’s Day, gamitin natin ang araw na ito upang maka-bonding ang ating mga mahal sa buhay.

Kung may mga bata kayo o anak, isa sa ikatutuwa nila ay ang pakikipaglaro sa kanila. Puwede rin ninyong gawing bonding ang pagdo-drawing lalo na kung mahilig dito ang inyong anak.

IPARAMDAM ANG PAGMAMAHAL SA PAMILYA

Importante ring naipadarama natin ang pagmamahal sa ating pamilya, hindi lamang kapag Araw ng mga Puso kundi sa araw-araw. Kaya naman, ipakita at iparamdam natin sa ating pamilya ang pagpapahalaga gayundin ang kaligayahang dulot nila sa atin.

Maraming pamilya ang hindi gaanong ipinakikita at sinasabi ang pagmamahal sa kanilang pamilya. Panahon na para iparamdam natin ang pagmamahal natin sa ating pamilya.

Minsan, sa kaabalahan ay nakaliligtaan na natin ang ating pamilya. Nawawalan na tayo ng oras at panahon sa kanila. Hindi lamang pagtatrabaho ng todo ang kailangan nating gawin nang maibigay natin sa kanila ang mga pa­ngangailangan nila, mahalaga ring nakapaglalaan tayo sa kanila ng oras at panahon.  Dahil ibayong kaligayahan ang madarama ng iyong pamilya kapag guma­gawa ka ng paraang makasama sila sa kabila ng iyong kaabalahan.

Pahalagahan natin ang ating mga mahal sa buhay. Ipakita at ipa­ramdam natin sa kanila kung gaano tayo nagpapasalamat na kapiling natin sila sa araw-araw. Huwag nating sayangin ang panahon at pagkakataon. CT SARIGUMBA

0

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *