PVL: PALMA, MOLINA SA PETROGAZZ

INANUNSIYO ng PetroGazz na nadagdag na sa kanilang lineup sina veterans Remy Palma at Ces Molina bago ang first season ng Premier Volleyball League bilang isang professional outfit.

Sina Palma at Molina ay dating naglaro para sa Petron, isa sa tatlong koponan na nakatakdang magbakasyon sa Philippine Superliga (PSL) dahil sa COVID-19 pandemic.

Sa kanilang paglagda ay umakyat sa 13 ang players ng PetroGazz, isang linggo lamang makaraang pakawalan ng koponan ang limang miyembro ng kanilang core group, kabilang sina veteran middle blockers Jeanette Panaga at Cherry Nunag.

Bukod kina Molina at Palma, idinagdag din ng Angels sina libero Kath Arado, middle blocker Ria Meneses, at spiker Mean Mendrez noong nakaraang linggo.

Ang lahat ng tatlong players ay naglaro para sa Generika Ayala, isa pang koponan na maghahain ng leave of absence sa PSL.

Wala pang anunsiyo ang PVL kung kailan nito bubuksan ang bagong season nito.

Ang liga ay naging professional noong nakaraang taon sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *