QUARANTINE KAPAG NAGPA-COVID TEST-DOH

Francisco Duque III

DAPAT muna umanong sumailalim sa quarantine ang isang indibidwal na naghihinalang dinapuan siya ng virus at una nang nagpasuri laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ang paglilinaw ay ginawa ni Health Secretary Francisco Duque III kasunod ng ulat na dalawang mambabatas, na una nang nagpasuri laban sa COVID-19, ang nakihalubilo na sa ibang tao, kahit hindi pa lumalabas ang resulta ng isinagawang testing sa kanila.

“Dapat ‘on quarantine’ kapag nagpa-COVID test ka,” ayon kay Duque, sa isang panayam sa radyo.

Matatandaang si Duque mismo ay sumailalim sa quarantine nang matukoy na may nakahalubilong direktor ng Department of Health (DOH) na nagpositibo sa virus.

Bagamat nagnegatibo na sa virus si Duque, itinuloy niya ang kanyang quarantine, na nagtapos lamang kamakalawa.

Nagpahayag naman si Duque ng paniniwala na paglabag sa protocol ang pakikisalamuha sa publiko, nang hindi pa lumalabas ang resulta ng COVID test.

Ayon sa kalihim, kung may nararanasang sintomas ng sakit, dapat ay kaagad na ituring na ito’y virus infection, kahit wala pa ang resulta ng pagsusuri.

Paglilinaw niya, hindi naman gamot ang COVID testing at ang mga sintomas ng sakit ang dapat na i-manage ng mga pasyente.

“Dapat kung alam mo na lahat ng indikasyon ay nandoon o nagsa-suggest na ito ay malamang na COVID, bakit ka maghihintay ng test?” anang kalihim. “You manage it already.  Kalokohan yung sasabihin natin na, ‘Wala pa ‘yung test e.'”

Sinabi pa ni Duque na ilan sa mga sintomas ng virus na dapat na bantayan ay lagnat, dry cough, sipon, pangangapos ng hininga at diarrhea.

Matatandaang inuulan ng batikos ngayon sa social media si Sen. Koko Pimentel dahil sa pagpunta nito sa isang ospital para samahan ang manganganak na asawa.

Ang senador ay una ng naka-self quarantine at sumailalim sa COVID test matapos makaramdam ng ilang sintomas ng virus.

Hinalang nahawa siya ng virus sa mga hearing na dinaluhan sa senado.

Samantala, si ACT-CIS party list Rep. Eric Yap naman, na nag-positibo rin sa COVID-19, ay nabatid na nagpasuri rin laban sa virus ngunit lumabas pa rin at dumalo pa sa special session ng Kamara noong Lunes gayung hindi pa lumalabas ang resulta ng pagsusuri.

Nagtungo rin umano siya sa Palasyo ng Malacañang sa isang pulong nitong Sabado, kaya’t pinag-aaralan na umano ng Presidential Security Group (PSG) ang pagsasampa ng kaso laban sa kaniya.

Kapwa humingi na naman ng paumanhin ang dalawang mambabatas sa nangyari. ANA ROSARIO HERNANDEZ

PAGBILI NG MEDICAL PAGBILI NG   MGA KAILANGAN SA COVID CRISIS, HINDI DAPAT MAANTALA

NILINAW  ni Senador Christopher Bong Go na tungkulin ng Commission on Audit (COA)  ang pag-check sa paggastos ng  gobyerno sa kanilang pondo.

Gayunman, sinabi ni Go na sa panahon ngayon ng emergency, hindi maaaring maantala ang pagbili ng mga kailangang tulong  ng mga ahensiya ng  gobyerno para sa pagharap sa krisis ng COVID 19.

Aniya,  hindi maaaring paghintayin ang pagtulong sa mga mamamayan.

Tiniyak naman nito na  sinabihan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga ahensiya na hindi ito ang panahon ng koruipsyon at mananagot pa rin ang mga dapat na managot kung kinakailangan.

Iginiit ni Go, ito ang panahon na dapat magtiwala sa gobyerno at sa kapwa Flipino dahil naniniwala siyang  konsensiya na ang kalaban ng mga nagbabalak pa ring gumawa ng kalokohan sa gitna ng nangyayaring krisis. VICKY CERVALES

0

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *