RAPTORS KINAPOS SA BLAZERS

blazer vs raptors

KUMAMADA si CJ McCollum ng 30 points, kabilang ang go-ahead basket, may 9.9 segundo ang nalalabi, upang pangunahan ang Portland Trail Blazers sa 112-111 home victory laban sa Toronto Raptors noong Lunes.

Binura ng Portland ang 14-point, fourth-quarter deficit.

Nagdagdag si Damian Lillard ng 23 points at gumawa si Carmelo Anthony ng 20 para sa Trail Blazers, kabilang ang krusyal na  3-pointer, may 1:48 ang nalalabi.

Nag-ambag si Enes Kanter ng 14 points para sa Portland, na na-outscore ang Raptors, 36-25, sa fourth period upang maagaw ang panalo.

Nakalikom si Pascal Siakam ng 22 points, 13 rebounds at 10 assists upang itala ang kanyang unang career triple-double para sa Raptors. Tumipa si Chris Boucher ng 20 points at nagdagdag sina Kyle Lowry at OG Anunoby ng tig-18 points para sa Toronto, na kinapos sa huli sa kanilang paglalaro sa ikalawang pagkakataon sa dalawang gabi.

KINGS 127,

PACERS 122

Nagbuhos si Harrison Barnes ng season-best 30 points sa 10-of-14 shooting at kumalawit ng 8 rebounds upang tulungan ang Sacramento Kings na pataubin ang bisitang Indiana Pacers.

Nagdagdag si De’Aaron Fox ng 21 points at 9 assists, at umiskor si Buddy Hield ng 18 points sa season-high six 3-pointers para sa Sacramento na nanalo sa ikalawang pagkakataon pa lamang sa nakalipas na pitong laro.

Nagposte si Richaun Holmes ng 16 points, 10 rebounds at career-high six blocked shots para sa Kings. Tumapos si Tyrese Haliburton na may 12 points para sa  Sacramento, na bumuslo ng 56 percent mula sa field at 15 of 32 mula sa 3-point range.

Nagtala si Domantas Sabonis ng 28 points at 11 rebounds at nagtarak ng double-doubles sa lahat ng 10 laro ng Indiana.

Tumipa si Malcolm Brogdon ng 24 points at 9 assists, at gumawa sina Doug McDermott at Victor Oladipo ng tig-21 points para sa Pacers, na nalasap ang ikalawang sunod na kabiguan.

BUCKS 121, MAGIC 99

Naitala ni Giannis Antetokounmpo ang 13 sa kanyang 22 points sa second half upang bitbitin ang bisitang Milwaukee Bucks sa panalo kontra Orlando Magic.

Hindi kinakitaan si Antetokounmpo ng epekto ng back spasms na pumigil sa kanya sa paglalaro sa 100-90 panalo ng Milwaukee kontra Cleveland.

Sinindihan ng  reigning, two-time NBA Most Valuable Player ang  scoring surges sa second half para sa Bucks, na na-outscore ang Magic sa 35-17 margin sa fourth quarter.

Tumirada si Khris Middleton ng 20 points at 10 rebounds at tumapos si Bobby Portis na may 20 points mula sa bench upang ihatid ang Milwaukee sa ika-5 panalo sa anim na laro.

HORNETS 109, KNICKS 88

Naitala ni Gordon Hayward ang 28 sa kanyang 34 points sa first half upang pangunahan ang Charlotte Hornets sa ikaapat na sunod na panalo sa pagbasura sa bisitang New York Knicks.

Nagdagdag si Devonte’ Graham ng 19 points, habang umiskor sina P.J. Washington at  Miles Bridges ng tig-13 points at nag-ambag si Terry Rozier ng 12 points para sa Hornets.

Humugot si Charlotte rookie guard LaMelo Ball, isang 19-year-old na naging pinakabatang player sa kasaysayan ng NBA na gumawa ng triple-double, dalawang gabi na ang nakalilipas, ng game-high 14 rebounds, 8 points, 7  assists at 3 steals sa re-serve role.

Sa iba pang laro ay ginapi ng Grizzlies ang Cavaliers, 101- 91; pinaso ngSuns ang Wizards, 128-107; at kinalawit ng Hawks ang 76ers, 112-94.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *