REFUND SA SOBRANG SINGIL TINIYAK NG MERALCO

MERALCO-6

SINIGURO  ng Meralco sa House Committee on Energy na maibabalik sa mga consumer  ang sobrang singil sa kanilang koryente  ngayong Mayo.

Sa isang virtual hearing, tinanong ni Bagong Henerasyon party-list Rep. Bernadette Herrera ang Meralco kung may kasiguraduhan na makukuha ng mga consumer nang buo ang sobra sa singil nito kung nakapagbayad na para sa pinakahuling bill.

Sagot ni Meralco Vice President and Corporate Business Group Head Victor Genuino, ang mga nakapagbayad na ng kanilang bill para sa Mayo ay maaaring ma-refund nang buo ang sobra sa singil sa alinmang Meralco business center.

Ayon kay Genuino, puwede  ring  ma-credit o ibawas sa kanilang bill sa susunod na billing cycle para sa Hunyo ang sobrang naibayad.

Pinayuhan naman ng Meralco ang mga hindi pa bayad sa kanilang bill ngayong Mayo at nagugulat pa rin sa bayarin na maaari naman nilang hintayin ang susunod na billing statement at dito ay makikita na ang actual rate at actual electric consumption.

Lumabas din sa pagdinig na nasa 65 porsiyento  pa lamang ng mga consumer  ngayon ang nababasa ang kanilang mga metro.

Ikinatuwiran pa ng Meralco na ang ‘bill shock’ ay dahil posibleng naipon ang meter reading sa Marso at Abril na naisama sa bills nila ngayong buwan.

Hindi na rin umano mababalikan ang meter reading nitong mga nakalipas na buwan kung saan nasa ilalim ng enhanced community quarantine ang Metro Manila.

0

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *