SA PAGDATING NG BAKUNA SA BANSA, KUMPIYANSA SA EKONOMIYA TUMAAS

NAGSIMULA ang magandang balita noong Lunes sa programang pagbabakuna laban sa pagkalat ng COVID-19.

Dumating kasi ang 600,000 doses ng Sinovac Biotech, CoronaVac na ibinigay ng pamahalaang Tsina bilang tulong sa ating bansa.

Kasunod ng pagkaantala ng 487,200 doses ng karagdagang bakuna laban sa COVID-19 mula sa British-Swede pharmaceutical firm AstraZeneca, dumating na rin ang mga ito kahapon sa ating bansa. Ang Filipinas ay inaasahang tatanggap ng hindi bababa sa 5.6 milyon na bakuna laban sa COVID-19 mula sa Pfizer-BioNTech at AstraZeneca sa loob ng unang bahagi ng taong ito.

Dahil dito, ang Philippine Stock Exchange Index (PSEI) ay naging masigla nitong linggo. Sa pagtatapos ng kanilang trading, ang PSEi ay umakyat ng 0.34 porsiyento, o 23.22 puntos, sa 6,942.76. Habang ang lahat ng shares index ay umani ng 0.16 porsiyento, o 6.84 puntos, sa 4,186.76.

Ito ang ikaapat na sesyon na maganda ang mga numero ng PSEI. Ang mga subsector na hindi gaano apektado sa isyu ng COVID-19 ay medyo malamya ang galaw bagama’t malaki nga ang itinaas ng sentimyento sa main index. Samantala, ang subcounters ay halos negatibo. Pinangunahan ito ng mining, oil, service, industrials at property. Ang mga holding companies at financials ay umakyat ng 0.73 percent and 0.69 percent.

Medyo teknikal ang mga datos na aking iniulat mula sa PSE. Ganoon pa man, ang ibig sabihin nito ay tumataas na ang kumpiyansa ng merkado sa ating bayan dulot ng pagdating ng mga bakuna laban sa COVID-19.

Sana na lang ay tumaas din ang kumpiyansa ng ating mamamayan na nais magpabukna. Kahit ano ang tatak nito, iisa lamang ang layunin ng lahat ng ito. Mahinto ang pagkalat at paglala ng sakit na COVID-19. Marahil ito na ang susi para makabalik na tayo sa ating tunay na normal na pamumuhay.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *