Sa panahon ni Joe Biden

PUSONG PANALO

NOONG nakumpirma si Joe Biden bilang susunod na pangulo ng Amerika, positibo ang tugon ng mga investor, na siyang nagdulot ng pagsipa pataas ng share prices sa Pilipinas. Marami kasi ang naniniwala at umaasa na ang administrasyon niya ay makapagbibigay ng ginhawa sa maraming organisasyon at indibidwal na talaga namang nahihirapan sa krisis dala ng pandemya.

Para naman sa administrasyong Duterte, may kumpiyansa ang pamahalaan na magpapatuloy ang malapit na relasyon ng Pilipinas at Amerika sa ilalim ng pamumuno ni Biden. Ito ay ayon sa presidential spokesman na si Harry Roque.

Sumasang-ayon si Secretary Carlos Dominguez ng ating Finance department. Naniniwala siyang ang kooperasyon, relasyong pangkalakalan, at mga oportunidad sa negosyo at pamumuhunan ay magbubukas para sa parehong bansa dahil nangako umano si Joe Biden na aayusin ang relasyon ng US sa kanyang mga ka-alyado at makikisamang muli sa iba’t-ibang bansa sa mundo.

Ayon naman sa ilang eksperto, posible rin umanong mabawasan ang tensiyong may kinalaman sa trade war ng China at US. Aaksiyunan din ni Biden ang mga polisiyang ginawa ni Trump tungkol sa immigration. Kung matutupad ito, magandang balita ito para sa ating ekonomiya. Maaaring magbukas ang mga oportunidad sa hanapbuhay–kasama na ang mga trabaho sa BPO sector–at tumaas din ang remittance papasok sa bansa.

Noong nangangampanya pa lamang si Biden, nagbanggit siya ng ilang mga paraan na kanyang gagawin upang mapasiglang muli ang ekonomiya ng Amerika at maka-rekober mula sa masasamang epekto ng pandemya. Kasama sa kanyang istratehiya ang pagbibigay ng dagdag na hanapbuhay at pagkakaroon ng racial equity. Isa sa mga plano niya para sa kanyang unang araw bilang pangulo ay ang kontrolin ang krisis na dala ng COVID-19 sa pamamagitan ng pagdadagdag ng testing site at pagkuha ng mas maraming pang tao upang magsagawa ng contact tracing. Nais din niyang maglaan ng pondo para sa paggawa at pamamahagi ng bakuna upang bawat Amerikano ay magkaroon ng pagkakataong magpabakuna.
(Itutuloy…)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *