SASAKYAN SUMALPOK: 4 PULIS PATAY, 4 SUGATAN

DAVAO DE ORO-INABOT ng dagliang kamata­yan ang tatlong kagawad ng Philippine National Police (PNP) nang aksidenteng sumalpok ang kanilang sinasakyang SUV sa kasalubong na motorsiklo dahilan para mahulog sila sa isang kanal sa Compostela sa lalawigang ito.

Kinilala ng Compostela PNP ang mga nasawi na sina Corporal Aries Jay Eray, Armon Rulida Pelicano at Adamson De Isidro Casador habang sugatan naman si P/Staff Sergeant Jayford Sumaliday na siyang nagmamaneho ng SUV.

Sugatan din ang driver ng motorsiklo na wala umanong plate number at dalawang angkas nito.

Sa inisyal na ulat, galing sa Barangay San Miguel sa Compostela ang SUV at tinatahak ang direksyon patungong karatig-bayan na Montevista. Pagdating sa Purok 2, Barangay Lagab ay nawalan umano ng kontrol sa manibela ang driver ng SUV at nabangga ang kasalubong na motorsiklo hanggang sa dumiretso sa kanal sa gilid ng kalsada.

Samantala, isa pang pulis ang nasawi matapos na bumangga ang sasakyan sa isang puno sa Lal-lo, Cagayan noong Lunes ng gabi.

Kinilala ang nasawi na si P/Senior Master Sergeant Icasiano Bosi Jr., 40-anyos, nakatalaga sa 2nd Provincial Mobile Force Company ng Cagayan Police.

Ayon kay Major Reymond Asistores, hepe ng Lal-lo Police, minamaneho ng pulis ang kanyang SUV sa national highway ng Barangay San Lorenzo nang biglang pumutok umano ang kanang gulong sa harap ng sasakyan dahilan para mawalan ng kontrol sa manibela na sumalpok sa puno at poste.
VERLIN RUIZ/ IRENE GONZALES

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *