SELEBRASYON SA GITNA NG PANDEMYA

PUSONG PANALO

(Pagpapatuloy…)

KUNG tayo ay may mga kaibigan o kakilala na mayroong maliit na negosyo, lalo na kung ito ay angkop sa Pasko, mahalaga para sa kanila ang ating suporta. Puwedeng sa kanila na lamang tayo bumili ng mga kailangan para sa mga pagdiriwang, o kaya naman ay i-share natin sa ating contacts ang impormasyon tungkol sa kanilang mga produkto o serbisyo. Gawin natin ito lalo na sa mga taong alam nating lubhang apektado ng pandemya.

Ngayong taong ito, maaari muna sigurong ipagpaliban ang pamimigay ng mga regalo. O kaya naman ay maaaring mag-donate na lamang tayo sa charity sa pangalan ng ating pagbibigyan.

Puwede rin tayong magpadala ng mga care packages sa mga kaibigan na hindi natin makikita nang personal ngayong Pasko, lalo na sa mga mag-diriwang ng Kapaskuhan nang nag-iisa.

Para sa mga tahanang may maliliit na bata, maaaring magkaroon ng special holiday activity o family bonding time sa pamamagitan ng pagsusulat ng mga handwritten thank you notes para sa ating mga frontliners, doktor, nars, guro, at iba pang essential workers o mga taong alam nating nangangailangan ng kaunting inspirasyon sa panahong ito.

Puwede itong ipadala kasabay ng Christmas cookies, halimbawa, o anumang holiday treat na ating nais.

At dahil marami nga ang nagkakasakit ngayon at nangangailangan ng dugo, hinihikayat din ang mga malulusog na indibidwal na mag-donate ng dugo. Siguraduhin lamang na susundin ang habilin ng ospital patungkol sa kaligtasan at pag-iingat.

Kung kayo po ay lalabas, laging magsuot ng mask at face shield. Iwasan ang matataong lugar at isagawa ang physical distancing.

Narito pa rin ang virus, ngunit sa awa ng Diyos, maaaring mas mabuti na ang susunod nating Pasko.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *