SILIPIN ANG KALAGAYAN NG PH NURSES, HEALTH WORKERS

alex santos

MATINDING sakripisyo ang ginagawa ng mga nurse sa ating bansa dahil sa rami ng pasyenteng inaasikaso nila kada araw.

Tanggap naman ng karamihan sa kanila ang bigat ng trabaho lalo pa’t mahal nila ang kanilang propesyon.

Mula taong 2012 hanggang 2018, kung hindi ako nagkakamali, nasa 148,623 nurses mayroon ang Filipinas.

Ngunit ang masaklap, sadyang hindi raw nasusuklian ng makataong kompensasyon ang kanilang paghihirap.

Kung ang grupong Filipino Nurses United (FNU) nga ang tatanungin, mababang sahod ang dahilan kung bakit may higit 20,000 Pinoy nurses kada taon ang pinipiling magtrabaho sa ibayong dagat.

Sa totoo lang, matagal nang hinaing ito ng ating mga pobreng nurse.

Gaya ng kapalaran ng mga pampublikong guro, kakarampot din ang tinatanggap nilang sahod.

Sabi nga nila, nakahanay raw sila sa mga manggagawang ‘over worked’ at ‘under paid’.

Kung matatandaan, pinagtibay na ang Republic Act (RA) No. 9173 o Philippine Nursing Act na nagtatakda ng Salary Grade (SG) 15 o katumbas ng P30,531  kada buwan para sa mga nurse.

Gayunman, hindi ito nasusunod sapagkat hanggang ngayon ay may mga sumasahod pa rin daw ng mas mababa pa sa P8,000 o P10,000 kada buwan.

Tsk, tsk, tsk.

Kaya dumulog noon sa Korte Suprema ang ‘Ang Nars Party-list’ sa pangunguna ni ex-Rep. Leah Paquiz para hu­mingi ng resolusyon hinggil sa usapin.

Tila inamag naman sa Kataas-taasang Korte ang kaso.

Makaraan ang apat na taon, kinatigan ng Supreme Court (SC) ang petisyon ng Ang Nars kung saan binigyang diin ng mga mahistrado na dapat SG 15 at hindi SG 10-11 ang suweldo ng mga nurse.

Sa kabila nito, malabo pa ring makuha agad ng mga nurse ang inihihirit nilang sahod dahil hindi raw maaaring obligahin ng SC ang gob­yerno na ipatupad ito.

Bagama’t pinagtibay ng Mataas na Hukuman ang Section 32 ng RA 9173, hindi naman puwedeng i-repeal o lusawin ang nilagdaang Executive Order (EO) 811 ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo noong 2009.

Giit ng SC justices, maipatutupad lamang ang SG 15 para sa mga nurse kung gagawa ng panibagong batas ang Kongreso na magtatakda ng badyet para sa kanilang dagdag-sahod.

Well, maituturing pa rin itong good news para sa kanila dahil may nasilayan silang bagong pag-asa para tumaas ang kanilang sahod.

Sa panayam naman ng inyong lingkod kay Cong. Paquiz sa RATSADA BALITA sa DWIZ 882AM, ipinunto ng dating kinatawan ng Ang Nars na hindi pa sapat ang suweldo ng mga nurse sa public hospitals.

Kulang na kulang pa rin ito kung iisiping sagad na sagad pa sila sa trabaho.

Kaya mahalagang pagtuunan ng gobyerno ngayon pa lamang ang agarang pagtataas sa sahod ng mga nurse.

Baka kasi maubos sila at ang iba pang health workers kapag nagpatuloy sa pag-alis para makipagsapalaran sa ibang bansa.

Tandaan na kung ang mga guro ay pundasyon ng karunungan ng ating mga anak, ang mga nurse naman ay tagapangalaga sa tuwing tayo’y nao-ospital o nagkakasakit.

Sila man ay nanga­ngailangan din ng kali­nga at malasakit ng gob­yerno upang mahango ang buhay at ang kanilang pamilya sa karalitaan.

oOo

Si Alex Santos ay broadcaster sa mga programa ng DWIZ 882 tulad ng Ratsada Balita tuwing alas-6 ng umaga; IZ Balita Nationwide Pang-umagang edisyon (7am-8am). Mapapanood ni’yo rin ako sa PTV NEWS araw-araw dakong alas-6 ng gabi. Ipadala ang inyong komento at reaksiyon sa lupaxsantos1@yahoo.com o puwede ni’yo akong i-follow sa twitter account @iamalexsantos

0

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *