STEAMED FOOD IDEAS

STEAMED FOOD-1

(ni CT SARIGUMBA)

NAUUSO na nga naman ngayon ang steamed food lalo na’t health conscious na ang marami sa atin. Importante nga naman kasing naaalagaan natin ang ating kalusugan nang ma-enjoy natin ang buhay kasama ang ating pamilya.

Marami nga namang benepisyo sa kalusugan ang steamed food gaya na lang ng nakapagpapababa ito ng cholesterol. Sa pamamagitan kasi ng pag-steam ay natatanggal ang taba mula sa karne kumpara sa mga tradisyunal o nakahiligang klase ng pagluluto gaya ng pagpiprito. At kapag nabawasan ng taba ang karne, nababawasan din ang calories at cholesterol.

Sa pamamagitan din ng pag-steam ng pagkain, napi-preserve o napananatili nito ang fiber, color at maging flavor ng isang pagkain o gulay.

Madali lamang din itong gawin kaya’t hindi mahihirapan ang kahit na sino. At sa mga nag-iisip ng mga recipe o putaheng puwedeng i-steam, narito ang ilang puwedeng subukan:

STEAMED SPRING ROLLS

Kadalasan nga naman sa atin, prito ang ginagawang luto sa spring rolls. Paano nga naman, sarap na sarap tayo lalo na kung malutong ang pagkaka-luto nito. Gayunpaman, kapag prito ang luto, paniguradong maraming kumakapit ditong mantika. Dapat pa naman nating iwasan ang mga mamantikang pagkain dahil nakasasama ito sa kalusugan. At kung puro prito na lang ang kahihiligan natin, paano na ang health natin?

Kaya naman isang paraan na maaari nating gawing luto sa spring rolls ay ang pag-steam dito. Puwede mong ga­wing filling ang isda, crab o kaya naman chicken sa paggawa ng spring rolls. Swak na swak din naman ang gulay. At lalo itong sasarap kapag may hinanda kang sawsawan.

STEAMED PRAWNS IN GARLIC SAUCE

STEAMED FOOD-2Kung mahilig ka naman sa prawns, puwedeng-puwede mo rin itong i-steam. Simpleng-simple lang itong gawin at tiyak na kahihiligan ng buong pamilya.

Ang mga sangkap sa paggawa nito ay ang prawns, bawang, asin, paminta at spring onions. Sa pagluluto naman nito, linisin ang prawns at balatan. Pagkatapos balatan, hiwain na ito sa gitna. Pagkatapos hiwain, i-coat na ang prawns gamit ang sautéed garlic at saka ilagay na ito sa steamer. Pakuluin hanggang sa maluto.

Bago naman ihanda, ibuhos ang ginawang garlic sauce at budburan ng spring onions sa ibabaw.

Napakasimple lang at may masarap na kayong mapagsasaluhan ng inyong buong pamilya.

GINGER-SOY STEAMED FISH

Isda ang isa pa sa alam na alam nating masarap i-steam. Bukod sa masarap nga namang i-steam ang isda, healthy na paraan din ito ng pagluluto. Napananatili rin ng ganitong proseso ng pagluluto ang sarap ng isda.

GINGER-SOY STEAMED FISHLinisin lang ng mabuti ang isda. Kahit na anong klaseng isda ay puwedeng subukan. Kapag nalinis na ang isda, pahiran na ito ng asin at paminta. Pagkatapos ay ikalat ang hiniwa-hiwang luya sa palibot ng isda. Saka ilagay ito sa heatproof ceramic dish.

Kapag nailagay na sa heatproof ceramic dish, puwede na itong i-steam. Kapag malapit na itong maluto, budburan na ito ng spring onions at iba pang gulay na nais ninyong isama.

Puwede rin ninyo itong lagyan ng herbs nang lalong sumarap.

Lahat naman ng klase ng pagkain at gulay ang maaari nating i-steam.

Depende rin ito sa atin kung paano natin gagawin o titimplahin nang sumarap at maibigan ng buong pamilya.

(photos mula sa nyonyacooking.com, worldfood.guide, elmundoeats.com)

0

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *