SUPPLY NG KARNENG BABOY SAPAT NA-DA

William Dar

SAPAT na ang suplay ng karneng baboy sa mga palengke sa Metro Manila.

Ayon ito kay Agriculture Secretary William Dar na nagsabing bumaba na rin ang presyo ng karneng baboy.

Kasunod na rin ito ng pagpapatupad ng 60-day price ceiling sa karneng baboy subalit ipinabatid ni Dar na maaari na ring irekomenda kay  Pangulong Duterte ang pagbawi sa price cap.

Samantala, hirap ang ilang vendor ng karneng baboy sa Quezon City na sumunod sa itinakdang price ceiling ng gobyerno sa gitna ng problema sa suplay dahil sa African swine fever.

Matapos magsimulang magbenta ulit ang mga tindero sa Tandang Sora Market noong Lunes, umalma silang hirap makasunod sa price cap na P270 hanggang P300 kada kilo.

Hindi umano umaabot sa kanila ang baboy na pangako ng Department of Agriculture mula Mindanao kaya galing sa Bulacan ang nakukuha nilang suplay.

Wala umano silang magawa kundi ibenta ang liempo sa halagang P350, mas mataas ng P50 sa itinakdang SRP na P300.

Kasim at pigi lamang umano ang kaya nilang ibenta ng P300, na mas mataas ng P30 sa itinakdang P270 price cap, habang P180 naman hanggang P190 ang presyuhan ng manok mas mataas nang P20 hanggang P30 sa P160 na price cap.

Lumiit umano ng sobra ang kanilang kinikita ngunit wala silang magagawa kundi bumalik sa pagtitinda dahil kailangan na nilang kumita.

Matatandaang umapela si Nicanor Briones, bise presidente ng Luzon Pork Producers Federation of the Philippines, na dapat i-adjust sa P330 hanggang P360 ang price ceiling sa baboy.

Abot na rin ng ilang buwan ang kakulangan sa baboy sa Luzon dahil sa African swine fever na nakaapekto sa maraming negosyo, maging sa mga consumer. NENET L. VILLAFANIA

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *