TIPS KUNG PAANO PIPILI NG RESTAURANT NA KAKAINAN

RESTAURANT-2

(ni CT SARIGUMBA)

MARAMI sa atin ang mahilig kumain sa labas. May ilan na ang dahilan ay ang kawalan ng panahong magluto. Samantalang ang iba naman ay hilig na talaga nilang suyurin ang lahat ng lugar nang makahanap ng restaurant na naghahandog ng masarap na putahe at abot-kaya sa bulsa.

Sa katunayan, ginagawa na rin ng magkakaibigan, magkakatrabaho at magkakapamilya ang pagkain sa labas. Nagi­ging bonding na nga rin naman ito ng marami sa atin. Hindi rin naman kailangang may okasyon para lang makakain sa labas.

Pero napakahalaga ang tamang pagpili ng restaurant na kakainan. Oo, napakaraming restaurant ang nagkalat sa paligid. Mayroong abot-kaya sa bulsa at mayroon din namang may kamahalan.  Minsan,  nagtitipid din tayo at pinipili natin ang restaurant na swak sa budget na mayroon tayo. Ngunit may mga pagkakataon din namang sinusubukan natin ang mga mamahaling restaurant nang matikman ang inihahanda nilang putahe. Curious din kasi tayong malaman ang kaibahan ng inihahanda nila sa inio-offer ng ibang restaurant.

Oo nga’t napakaraming restaurant o kainan ang puwede nating pagpilian ngunit paano nga ba natin malalaman na ikatutuwa o masisiyahan tayo sa pipiliin natin?

Kaya naman, sa mga mahilig kumain sa labas, narito ang ilan sa tips na dapat isaalang-alang sa pagpili ng restaurant na kakainan o tatangkilikin:

LOKASYON NG  RESTAURANT

Unang-una sa dapat nating isaalang-alang ay ang lokasyon o kung saan matatagpuan ang isang restaurant. Sabihin mang pare-pareho o iisa ang may-ari ng isang restaurant, hindi pa rin natin natitiyak na pare-pareho rin ang kalidad ng kanilang inihahanda.

Sa pagpili ng lokasyon, mainam kung puntahan o daanan ng tao ang pipiliing restaurant.  Kapag kasi dinudumog ang isang restaurant, paniguradong fresh ang inihahanda nila dahil hindi sila nalulumaan ng pagkain.

AYOS, DISENYO AT KALINISAN NG RESTAURANT

Isa pa sa dapat nating isaalang-alang sa pagpili ng kakainang restaurant ay ang disenyo at ayos nito.

Bukod pa sa disenyo, mahalaga rin ang kalinisan ng restaurant nang matiyak na safe o ligtas kayo sa inyong kakainan.

Sa pamamagitan din ng disenyo at ayos ng isang restaurant ay malalaman natin kung malinis ba ito o hindi. Kung maasikaso ba ang may-ari gayundin ang staff ng nasabing kainan.

Isa rin sa paraan nang malaman nating malinis at may kaayusan ang isang restaurant ay sa pamamagitan ng pag-check ng kanilang wash room.

MENU O PAGKAING KANILANG INIO-OFFER

Klase ng pagkain, isa pa iyan sa hindi dapat na mawala o dapat nating isaisip sa tuwing iisip o maghahanap tayo ng magandang restaurant.

Kapag sinabing menu o pagkaing kanilang inio-offer, hindi lamang ang kakaibang sarap o lasa ang dapat nating isaalang-alang gayundin ang pagiging healthy nito.

Oo, maraming pagkain naman talaga na sobrang sarap pero huwag din na­ting kaliligtaan na importante ring may inio-offer na healthy dish ang isang restaurant nang may mapagpilian tayo. Bukod sa healthy dish, importante rin ang pagiging fresh ng pagkain.

MAGANDANG SERBISYO

Kapag kakain tayo sa labas o pipili tayo ng isang restaurant, asam natin ang magandang serbisyo. May mga restaurant o kainan na sabihin mang dinarayo ng mga customer, kung minsan naman ay hindi naman maganda ang serbisyo ng mga staff o ng naturang kainan. Kumbaga, nakailang tawag ka na ay wala pa ring lumalapit sa inyo. Minsan naman, nilapitan ka nga pero nakasimangot naman.

Kaya napakaimportanteng maganda at maayos ang serbisyo ng isang kai­nan o restaurant. Malalaman mo rin naman kung maganda ang serbisyo nila dahil sa social media.

Sa mga staff naman, importante ang pagiging presentable at madaling la­pitan para bumalik-balik ang customer. Kumbaga, sabihin mang pagod na pagod ka na, idantay pa rin sa labi ang ngiti nang ‘di madala ang mga parokyano.

Masarap ang kumain sa labas. Marami sa atin ang kinahihiligan ang pagkain sa iba’t ibang restaurant. Kumbaga, sinusuyod ang mga restaurant nang matikman ang mga pagkaing kanilang inihahanda. Marami sa atin ang kung ano iyong makitang restaurant, doon kumakain. Kung ano iyong walang gaanong tao, iyon ang pinipili.

Gayunpaman, napakahalagang napag-iisipan na­ting mabuti ang restaurant na ating tatangkilikin nang hindi tayo ma-disappoint o magsisi. (photos mula sa mrpainter.com.sg, forafinancial.com)

0

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *