UMATRAS KAYA SI PANGULONG DUTERTE PARA BIGYANG-DAAN ANG PAGTAKBO NI MAYOR SARA SA 2022?

DALAWANG linggo matapos na ipahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na tatakbo siya sa pagka-bise presidente sa nalalapit na 2022 election, marami pa rin ang naniniwala na maaari pa ring magbago ang desisyon ng presidente at aatras ito para bigyang-daan ang pagtakbo ng kanyang unica hija na si Davao City Mayor Sara ‘Inday’ Duterte-Carpio sa pinakamataas na posisyon sa bansa.

Bilang respeto na lang sa ama niya at ayon na rin sa kasunduan nila na isang Duterte lang ang maaaring tumakbo sa national election, agad nag-anunsiyo si Mayor Inday na hindi na siya maghahangad pang sumali sa halalan para sa pagka-pangulo sa Mayo sa susunod na taon.

Hindi natin alam kung totoong seryoso ang mag-ama sa mga inilabas nilang pahayag pero kung ang tatanungin ay ang isang grupo na nito lang Lunes ay pormal na inilunsad, ang Hugpong para kay Sara (HPS), hinihimok nilang umatras na lang ang Pangulong Duterte sa pagtakbo at ipaubaya na lang kay Mayor Sara ang pagkandidato para ituloy ang mga nasimulan niyang programa sa nagdaang anim na taon.

Ayon sa chairman at tagapagsalita ng bagong grupo na si dating Davao Del Norte Governor Anthony del Rosario, iginagalang nila ang pahayag ni Mayor Sara na hindi na siya tatakbo sa pagka-pangulo pero naniniwala raw ang kanilang grupo na si Mayor Sara ang tanging karapat-dapat na mamuno sa bansa kaya ‘di pa rin sila tumitigil na kumbinsihin ang mayora na ikonsidera ang kanyang desisyon na ipaubaya na lang sa iba ang pagka-pangulo.

Sa totoo lang ay napakalaking pressure ang iniatang ng Hugpong kay Mayor inday dahil ilang libo na diumano ang sumapi sa grupo mula pa sa iba’t t ibang panig ng bansa pati na rin sa ibang bansa para lamang suyuin siya at baguhin ang kanyang desisyon na huwag nang tumakbo sa 2022.

Ang tanong nga nila, tatakbo ba si Mayor Sara? Naisin man nila, na kay Mayor Inday ang huling desisyon. Mula pa nang umupo siyang alkalde sa Davao City, may sarili na siyang pag-isip, independiyente at may sariling istilo ng tamang pamamalakad kaya nakita naman natin kung gaano kaunlad at katahimik ang kanyang siyudad ngayon.

Gagawa raw ng mga masususing pananaliksik ang Hugpong para kay Sara tungkol sa mga napapanahon na isyu ng bayan na babalangkas sa mga pangangailangan ng iba’t ibang sektor ng lipunan. Ang resulta ng gawaing ito ay ipiprisinta nila kay Mayor Sara para kumbinsihin siya na ikonsidera ang pagtakabo dahil siya lang ang may abilidad para tugunan ang mga isyung pang-ekonomiya at sosyal.

Hindi naman nakapagtataka kung bakit puspusan ang ginagawang pagkilos ng Hugpong para kumbinsihin ang alkalde na baguhin ang kanyang desisyon. Naniniwala sila sa abilidad at kakayahan ni Mayor Sara para makabangon ang bansa sa kahirapan dahil sa pandemya.

Ilang linggo na lang at sisimulan na ang opisyal na pagpapalista para pormal na lumahok sa halalan sa 2022. Malamang ay patuloy na kikilos ang grupong HPS para kumalap at maparami pa ang kanilang tagasuporta na kukumbinsi kay Mayor Sara na tumakbo na sa pagka-pangulo.

Ayon sa HPS, nasa higit 15,000 na ang miyembro at mga chapter nila sa buong kapuluan kasama na sa ibang bansa katulad ng Middle East, Europa, Canada at Amerika.

Bukod sa pagkumbinse kay Mayor Sara, umaapela rin ang HPS na sana ikonsidera ng Pangulong Duterte ang kanyang desisyon at huwag nang lumahok pa sa pagtakbo bilang bise presidente.

Maging matagumpay kaya ang HPS sa paghimok kina Mayor Sara at Pangulong Duterte na baguhin ang kanilang mga desisyon?

Tututukan natin ang mga susunod pang mangyayari sa mga susunod na linggo.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *