UV EXPRESS BALIK-OPS NA, 980 UNITS PINAYAGANG BUMIYAHE SA 47 RUTA

UV EXPRESS

NASA 980 UV Express units ang balik-pasada na simula ngayong araw, ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Ang naturang mga unit ay pinayagan ng LTFRB na bumiyahe sa 47 ruta papasok at palabas ng Metro Manila.

Kabilang sa mga rutang ito ang mula Marilao, Meycauayan at Bocaue sa Bulacan papuntang Quezon City.

Kasama rin ang ilang ruta mula Rizal, Cavite at Laguna papunta sa iba’t ibang lungsod sa Metro Manila.

Bilang paghahanda sa pagbabalik sa kalsada, ang bawat van ay naglagay ng plastic o acrylic sheet sa pagitan ng driver at mga pasahero. Ang bawat driver ay mayroon  namang thermal gun, alcohol, gloves, face mask at face shield.

Ayon kay Rizalino Villaraza, presidente ng Federation of Ayala Center Transport Terminal Inc., ang pa-masahe ay semi-cashless at nakahanda rin, aniya, sila na gumamit ng tap cards.

“Bawat ruta may lamesa [kung] saan ka magbabayad before boarding the unit,” sabi ni Villaraza.

Samantala, umapela ang mga operator na payagan na rin ang pagbiyahe ng  UV Express sa mga ruta sa loob mismo ng Metro Manila dahil mas kailangan, anila, ito ng mga manggagawa.

Ang pampublikong transportasyon ay sinuspinde noong Marso dahil sa quarantine measures na ipinatupad para mapigilan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 o COVID-19.

0

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *