₱1.3-T STIMULUS PACKAGE, 2 PANG COVID-19 BILLS LUSOT NA SA HOUSE PANEL

COVID-19 BILLS

APRUBADO na sa Defeat COVID-19 Ad Hoc Committee ng Kamara ang tatlong nakabimbing bills para sa pagtugon ng pamahalaan sa COVID-19 crisis, kabilang ang ₱1.3-trillion economic stimulus package para sa mga apektado ng pandemya.

Sa isang virtual meeting ay inaprubahan ng special House panel ang Philippine Economic Stimulus Act o PESA, ang Financial Institutions Strategic Transfer o FIST Act, at ang Anti-Discrimination Bill, base sa  committee reports ng Committee on Banks and Financial Intermediaries, Economic Stimulus Response Package Subcommittee, at ng Peace and Order Subcommittee.

Sa ilalim ng panukalang PESA, isang ₱568-billion package sa 2020 ang ilalaan para sa kagyat na employment protection stimulus para sa mga apektadong manggagawa; massive testing sa pamamagitan ng local government units at agencies; pautang sa micro, small, and medium enterprises; at ayuda sa mga napinsalang industriya.

Para sa 2021, nasa P80 billion ang ilalaan sa general intervention ng pamahalaan, habang sakop ng P650-billion budget para sa ‘Build, Build, Build’ program na ipakakalat  sa loob ng tatlong taon ang infrastructure projects na sumusuporta  sa universal health care, education, at food security.

Aayudahan din ng economic stimulus measure ang mga sektor ng turismo, transportasyon, industry and service, at agri-fishery.

Samantala, layon ng FIST Act na kilala rin bilang Philippine Banking Industry Resiliency Act, na tulungan ang mga bangko at iba pang  financial institutions na makabangon mula sa epekto ng COVID-19.

Inaprubahan din ng komite ang substitute measure sa House Bill 6676 o ang COVID-19 Related Anti-Discrimination Act na nagbabawal sa diskriminasyon laban sa nga frontliner, uuwing overseas Filipino worker, at idineklarang confirmed, suspected, probable, at recovered  cases ng COVID-19.

Ang mga lalabag sa batas ay pagmumultahin ng ₱50,000 hanggang ₱500,000 o kulong ng hanggang limang taon.

Comments are closed.