¥3.2-B SA MINDA PROJECTS

JAPAN

MAGKAKALOOB ang Japanese go­vernment ng ¥3.2 billion na tulong para sa peace at developments projects sa Mindanao, ayon sa Department of Finance (DOF).

Inanunsiyo ng Japan ang grant para sa natu­rang mga proyekto sa 7th high-level meeting ng Japan-Philippines Joint Committee on Infrastructure Development and Economic Cooperation sa Osaka noong Pebrero  21.

Ayon sa DOF, ang ¥3.2-billion grant assistance ay bukod pa sa $202-million loan para sa  Road Network Development Project sa Conflict-Affected Areas sa Mindanao.

Ang grant assistance ay gagamitin sa mga sumusunod na proyekto: ¥1.8 billion para sa pagtatayo ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA)  training centers sa Marawi City at sa mga lalawigan ng Basilan at Sultan Kudarat  sa ilalim ng Program for the Urgent Improvement of Socioeconomic Infrastructure sa Bangsamoro Region; ¥560 million para sa well-drilling at underground water detecting machines sa ilalim ng Economic and Social Development Program.

¥200 million para sa livelihood assistance sa agriculture at fisheries sa pamamagitan ng Food and Agriculture Organization (FAO); ¥300 million para sa pagtatayo ng water facilities sa Bangsamoro region sa pamamagitan ng International Labor Organization (ILO); at ¥340 million para sa pagbili ng mga sasakyan at kagamitan sa pamamagitan ng United Nations Development Program (UNDP).

Pinangunahan ni Finance Secretary Carlo Dominguez III ang de­legasyon ng Filipinas, habang si Hiroto Izumi, special advisor to Prime Minister Shinzo Abe, ang nanguna sa mga opisyal ng Japan.

Ang iba pang Philippine officials na dumalo sa pagpupulong ay sina National Economic and Development Authority Secretary Ernesto Pernia, Budget Secretary Benjamin Diokno, Public Works Secretary Mark Villar, Energy Secretary Alfonso Cusi, Housing and Urban Development Coordina­ting Council Secretary ­Eduardo del Rosario,  Bases Conversion and Development Authority president and CEO Vivencio Dizon, at Philippine Ambassador to Japan Jose Laurel.

Nagpasalamat si Dominguez sa Japan para sa tulong na ipinaaabot nito sa Mindanao, lalo na sa bubuuing Bangsamoro region at sa Marawi.

Comments are closed.