Ang Department of Labor and Employment (DOLE) Bicol sa pamamagitan ng Camarines Sur at Albay Provincial Offices ay namahagi ng mahigit P6.9 milyon na tulong para sa emergency employment at kabuhayan sa 1,207 displaced and marginalized workers sa rehiyon kaugnay sa naging pagbisita ni Pangulong Bongbong Marcos, kahapon (Hunyo 7).
Ang DOLE Albay Provincial Office sa pamumuno ni Ching Banania ay namahagi ng TUPAD salaries na may kabuuang P4,687,465 sa 1,187 na benepisyaryo mula sa 13 barangay sa Legazpi City.
Samantala, ang tanggapan ng DOLE Camarines Sur sa pangunguna ni Ma. Ella Verano ay nagpasahod sa P79,000 sa 20 manggagawa.
Nakatanggap ang bawat benepisyaryo ng P3,950 para sa 10 araw na trabaho, kasama ang personal protective equipment (PPE) at insurance ng GSIS.
Ang payout ng TUPAD salaries sa dalawang lalawigan ay pinangasiwaan nina OIC Regional Director Imelda E. Romanillos at OIC Assistant Regional Director Atty. Joan Noya-Nidua at ang turnover ng 106 padyak units bilang livelihood assistance.
Ibinahagi ng isa sa mga benepisyaryo na si Ramon Nuyda ng Barangay Dapdap, Legazpi City ang kanyang pagpapahalaga sa pansamantalang trabaho habang patuloy siyang naghahanap ng permanenteng trabaho.
“Makatabang po ito sa pamilya ko. Pansustiner sa pangangaipuhan. Salamat PBBM, Salamat DOLE” aniya.
RUBEN FUENTES