₱777-M ILLEGAL DRUGS SINUNOG NG PDEA

UPANG hindi na makaperwisyo pa sa lipunan, sinunog ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang illegal drugs na nagkakahalaga ng ₱777,624,682.82 sa Integrated Waste Management, Inc. (IWMI), Barangay Aguado, Trece Martires City sa Cavite nitong Huwebes, Setyembre 12.

Sa ulat, may kabuuang 1,474,916.7594 gramo ng solid at 378.5 mililiters ng dangerous drugs ang sinira sa pamamagitan ng thermal decomposition o thermolysis.

Karamihan sa mga ito ay binubuo ng 66,720.7640 gramo ng Methamphetamine Hydrochloride o Shabu; 1,390,743.5422 gramo ng Marijuana; 14,145.4798 gramo ng MDMA o Ecstasy; 428.4432 gramo ng Cocaine; 1,665.3900 gramo ng Ephedrine; 1,073.8415 gramo ng Psilocin; 206.5 mililitro ng liquid meth at 172 mililitro ng liquid marijuana.

Ang mga ebidensyang nabanggit ay inilagay sa loob ng incinerator chamber at inilagay sa high temperature o lagpas 1,000 degrees centigrade.

Ang lahat ng ilegal na droga ay natunaw at ganap na nabasag o na-decompose kaya’t imposible na itong maibalik.

Layon ng proseso ng pagsira na pigilan ang pag-recycle at pagnanakaw nito.

Ang mga sinunog na droga ay ebidensyang nakumpiska mula sa iba’t- ibang operasyon na isinagawa ng PDEA kasama ang iba pang ahensyang nagpapatupad ng batas ngunit hindi na kailangan bilang ebidensya sa korte.

Ang mabilis na pag-usad ng mga kaso at disposisyon ng mga ebidensyang droga ay nagbigay-daan sa agarang pagsira nito.

Dumalo sa aktibidad ng pagsira ang mga kinatawan mula sa Department of Justice (DOJ); Department of the Interior and Local Government (DILG); Barangay Officials ng Aguado; mga kinatawan mula sa Philippine National Police (PNP) at iba pang ahensya ng pagpapatupad ng batas; mga non-government organizations (NGOs) at media partners.

Alinsunod sa batas, ang PDEA ay patuloy na nagsasagawa ng destruction ng lahat ng nakumpiskang illegal drugs matapos ang pag-isyu ng Court Order.

RUBEN FUENTES