1.2 MILYON GUN HOLDERS HINDI NAG-RENEW NG LISENSIYA

GUN

CAMP CRAME – AABOT sa 1.2 milyon na gun owners ang ina­asahang daragsa sa tanggapan ng Philippine National Police-Firearms Explosive Office (PNP-FEO) para sumailalim sa anim na buwan na gun amnesty.

Ang nasabing bilang ay mula taong 2004 hanggang 2013.

Batay ito sa datos ng nasabing yunit ng PNP  na naghahanda sa nasabing programa na naglalayong matulu­ngan ang mga gun owner na expired na ang mga lisensiya at mga hindi rehistradong baril na itinuturing na loose firearms.

Ayon kay PNP-FEO director, Chief Supt. Valeriano De Leon, hinihintay na lamang nila ang approval ni PNP Chief, Dir. Gen. Oscar Albayalde para ipatupad ang programa.

Sa ilalim ng bagong Firearms and Ammunition Law o ang Republic Act 10591, maaaring magpatupad ng amnesty pagkatapos ng anim na buwan na maaprubahan ang IRR (Implementing Rules and Regulations) nito.

Sinabi ni De Leon na gusto niyang ipatupad ito sa lalong mada­ling panahon ngunit hindi lang si Gen. Albayalde ang approving authority.

Sa database ng PNP-FEO, may 1.8 million na rehistradong baril ngunit 600,000 lamang ang nag-renew ng kanilang lisensiya.

Nangangahulugan ito na nasa 1.2 million ang hindi nag-renew ng lisensiya sa pagitan ng taong 2004 hanggang 2013. VERLIN RUIZ

Comments are closed.