MAGLALAGAK ang mga Japanese firm ng kabuuang $1.24 billion na investment sa mga bagong proyekto at expansions sa Filipinas.
Ito ay sa kabila ng ‘uncertainties’ na dulot ng hakbang ng pamahalaan na i-rationalize ang tax incentives.
Ayon sa Department of Trade and Industry (DTI), ang naturang investments sa manufacturing, agriculture, retail trade, real estate, automotive at education ay lilikha ng hindi bababa sa 16,000 trabaho sa bansa.
Ang commitments ay nakuha ng DTI sa isang business mission noong nakaraang linggo sa Tokyo, Japan.
Ginamit din ng DTI at ng Board of Investments (BOI) ang business mission upang ipaliwanag ang inaasahang mga benepisyo sa panukalang Tax Reform for Attracting Better and High-quality Opportunities, o ang Trabaho bill.
Ang Trabaho bill ay naglalayong unti-unting ibaba ang corporate income tax sa 20 percent sa 2029 mula sa 30 percent. Kapalit nito ang pag-aalis sa mga insentibo na ipinagkakaloob sa mga kompanya na nag-ooperate sa economic zones, tulad ng 5 percent tax sa gross income kapalit ng lahat ng local at national taxes.
Nangako si Trade Secretary Ramon M. Lopez na tutulungan ang mga foreign investor sa kanilang mga proyekto sa bansa.
“The DTI and the BOI are actively engaging with our foreign investors like the Japanese to assist them in these expansion projects and new business endeavors in the country. We assure them that the Philippine government welcomes all investors that would like to join our growth story,” wika ni Lopez.
Ang total approved investments mula sa Japan para sa buong taon ng 2018 ay nasa P19.72 billion, batay sa datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Ang mga bagong Japanese investment ay kabibilangan ng $76 million joint venture ng Mitsubishi Corp. sa isang local real estate firm para sa pagtatayo ng murang pabahay.
“Itochu Corp., through its subsidiary Dolefil, is investing in a waste to energy project that will convert pineapple waste into bio-gas. This $19.2 million joint venture with Metro Pacific Investments Corp. can produce electricity enough to replace 20 percent of Dolefil’s yearly grid requirement,” ayon pa sa DTI.
Sa deal sa domestic firms, ang ISE Foods Inc. ay magtatayo ng isang large scale poultry farm na kabibilangan ng limang integrated farms, na tinatayang may 6 million layers.
Ang proyekto ay nagkakahalaga ng $250 million at inaasahang kukuha ito ng 1,000 workers. Ang farm ay magsasanay ng Filipino workers sa pinakabagong teknolohiya sa poultry farming, gayundin sa fortified egg production.
Samantala, ang Sumitomo Wiring Systems Ltd. ay mag-iinvest sa $46 million manufacturing facility na magpoprodyus ng wire harness systems para sa passenger cars. ELIJAH FELICE ROSALES