NASA 1,250 bilang na mga Persons Deprived of Liberty (PDL) mula sa Quezon City Jail Male Dormitory ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang sumasailalim sa Human Immunodeficiency Virus (HIV) screening, treatment at counselling.
Ang naturang proyekto ay layon na bigyang edukasyon ang mga PDL kaugnay sa epektong dulot ng HIV sa kalusugan at upang matukoy kung sinu-sino sa mga nakakulong ang nagtataglay na ng naturang sakit upang agad na mabigyan ng sapat na atensyon.
Ayon kay Quezon City Jail Warden Supt. Michelle Ng Bonto, kailangan lang pumirma ng counselling form at consent form ang mga PDL bago sila isailalim sa HIV screening.
Kukunan din sila ng sample ng dugo na nasa 5ml at ito ay ipoproseso sa isang laboratoryo para matukoy kung positibo o hindi ang pasyente sa naturang virus.
Sakaling magpositibo sa unang test, daraan naman sila sa confirmatory test at sakaling magpositibong muli ay duon na sila isasailalim sa masusing counselling subalit tiniyak na hindi sila makikilala at magiging confidential ang kanilang impormasyon.
Tatagal ang screening ng limang araw na nagsimula nitong araw ng Lunes, Abril 4 hanggang Biyernes, Abril 8.
Katuwang ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na siyang nangangasiwa sa Quezon City Jail ang Bernardo Social Hygiene Clinic sa pagsasagawa ng HIV testing at screening sa mga PDL. JEFF GALLOS