TATAAS pa ang demand para sa overseas Filipino workers (OFWs) at mahihigitan ng deployment nito ngayong taon ang 1.2 million na naitala noong 2022, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).
“We are not just on track but we definitely will surpass the deployment figures of last year,” pahayag ni DMW Secretary Toots Ople sa CNN Philippines’ The Source.
“We see an increase in the number of our OFWs both new hires and rehires and also we are looking at a rebound in the number of seafarers being hired abroad.”
Ayon kay Ople, mula January hanggang April pa lamang ay nasa 800,000 land-based at sea-based OFWs na ang na-deploy sa ibang bansa.
Aniya, ang mga in demand na trabaho ay kinabibilangan ng mga nasa sektor ng healthcare, construction, at hotel and restaurant management sa mga bansang tulad ng Saudi Arabia at Croatia.
Ang ibang bansa tulad ng UAE at Canada ay may malaking demand sa medical professionals.
Ayon pa kay Ople, marami pang bansa ang nais na lumagda ng bilateral labor agreement sa Pilipinas tulad ng Hungary at Oman.
Nauna nang sinabi ng kalihim na inaasahan nilang papalo ang bilang ng deployed OFWs sa pre-pandemic levels ngayong 2023, na ang kabuuang bilang ay aabot sa two-million mark.