NAKATAKDANG magpakalat ng higit kumulang sa 1300 na mga pulis ang Manila Police District (MPD) para sa nakatakdang pagdiriwang ng ika-125 taong anibersaryo ng Araw ng Kalayaan ng bansa sa Hunyo 12.
Bilang bahagi ng pagdiriwang, kabi-kabila ang mga aktibidad sa lungsod ng Maynila sa Lunes, Hunyo 12 ayon kay MPD Director Police Brig. Gen. Andre Dizon.
Kasama rito ang nakalatag na Independence Day programs sa Rizal Park at Quirino Grandstand, na posibleng puntahan ng matataas na opisyal ng pamahalaan sa pangunguna ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Inaasahan ding dadagsa ang mga grupo na magsasagawa ng kilos-protesta sa ibat-ibang lugar sa Maynila.
Sinabi ni Dizon na nasa 1,363 ang mga pulis ang ipapakalat sa Maynila sa Araw ng Kalayaan, para matiyak ang kapayapaan at kaligtasan ng mga makikibahagi sa selebrasyon.
Partikular na babantayan ng pulisya ang mga lugar kung saan may mga aktibidad at inaasahang dagdagsin ng mga tao.
Pakiusap naman ng heneral sa mga grupo na magra-rally sa Araw ng Kalayaan na sumunod sa napag-usapang oras at lugar patungkol sa kanilang kilos-protesta; huwag maging sagabal sa mga motorista at publiko; at huwag ding mag-vandalize sa iba’t ibang istruktura, pampubliko man o pribado.
PAUL ROLDAN