1.4K PULIS NA LANG ANG ‘DI BAKUNADO

PATULOY na bumababa ang bilang ng mga tauhan ng PNP na tumatangging magpabakuna.
Base sa datos ng PNP Health Service ngayong araw, nasa 1,496 na lang ang mga pulis na hindi bakunado, kumpara sa 1,700 noong Disyembre 8.

Sa bilang na ito, 800 ang may balidong rason, habang 669 ang sadyang ayaw lang.

Una nang sinabi ni PNP Chief Gen. Dionardo Carlos, naging kapansin-pansin ang pagbaba ng bilang ng mga pulis na ayaw magpabakuna matapos na ipatupad ang “no jab, no work” policy ng PNP.

Nilinaw naman ng PNP Chief na sa ilalim ng polisiya ay ililipat lang sa “low risk” na trabaho ang kanilang mga hindi bakunadong tauhan para sa kanilang sariling kaligtasan.

Sa ngayon ay mahigit 99 na porsiyento na ng PNP ang bakunado, kung saan halos 94.87 porsiyento ang fully vaccinated, at 4.48 porsiyento ang naghihintay na lang ng pangalawang dose. REA SARMIENTO