1.5K TSIKITING TARGET NA MABAKUNAHAN KADA ARAW

TARGET ng lokal na pamahalaan ng Las Pinas na makapagbakuna ng 1,500 hanggang 2,000 kada araw sa mga batang edad 5 hanggang 11 na sinimulan kahapon ng umaga.

Inihanda ng pamahalaang lungsod ang temang mala-Safari at Toy Carnival na gimik sa mga vaccination sites na siguradong aakit sa mga magpapabakuna na mga bata.

Ang mala-Safari na tema ay nakadekorasyon sa SM Center habang sa The Tent naman na may gimik na Toy Carnival ay mamimigay ng lobo at cotton candy sa mga batang magpapabakuna.

Bukod sa dekorasyon ng mga vaccination sites, nagkaroon din ng film showing na magbibigay ng karagdagang kaalaman tungkol sa importansiya ng pagpapabakuna laban sa COVID-19.

Bukod pa sa film showing kung saan mapapanood ang kahalagahan ng pagpapabakuna, naghanda rin ng cartoons show upang hindi mai­nip at mabagot ang mga naghihintay na batang magpapabakuna.

Gayundin, namahagi rin ng coloring materials ang SM group of companies na may kasamang bags of candies na manggagaling sa lokal na pamahalaan para sa bawat batang magpapabakuna.

Nabatid na nang magsimula ang online registration ng programang “Bakunahan sa Kabataan” noong nakaraang Enero 29 ay nakapagtala na ang City Health Office (CHO) ng 11,246 registrants nitong Pebrero 7 mula sa mahigit 79,000 populasyon ng kabataan sa lungsod.

Magdaragdag din ng vaccination site ang lokal na pamahalaan kung sakaling umangat pa ang bilang ng mga tsikiting na iparerehistro ng kanilang mga magulang para sa pagsasagawa ng baksinasyon. MARIVIC FERNANDEZ