HALOS isa at kalahating milyong civilian at uniformed personnel ng gobyerno ang apektado ng kabiguan ng Kongreso na ipasa ang 2019 national budget.
Ayon kay Budget Assistant Secretary Myrna Chua, dapat ay noong Enero pa naibigay ang ika-4 na tranche ng salary hike ng may 1.2 million civilian employees ng pamahalaan sa ilalim ng Salary Standardization Law.
Aniya, dapat ay kasabay ring ipatutupad ngayong taon ang ikalawang tranche naman ng dagdag-sahod para sa mga uniformed personnel na may ranggong SPO4 hanggang sa Director General.
Sinabi ni Chua na hindi maibibigay ang salary increase ng mga empleyado ng pamahalaan dahil hindi naman ito nakasama sa 2018 national budget na siya pa ring ginagamit sa ngayon dahil wala pang bagong budget na ipinapasa ang Kongreso.
Gayunman, naniniwala si DBM oficer-in-charge Janet Abuel na hindi mapipigilan ng re-enacted budget ang pagpapatupad ng ika-4 na tranche ng salary hike ng mga kawani ng pamahalaan subalit kailangan munang magpalabas si Pangulong Rodrigo Duterte ng isang executive order (EO) para rito.
Ayon kay Abuel, kailangang lagdaan ni Duterte ang isang EO upang makapagbigay ng mga karagdagang pondo para sa fourth tranche ng dagdag-sahod dahil ang re-enacted budget ay hindi makasasapat para rito.
“Unfortunately, if you have a re-enacted budget, of course the re-enacted budget would not be sufficient to cover the entire year, so that might need some additional recommendations for funding,” paliwanag niya.
Sa kasalukuyan, ang Filipinas ay nag-o-operate sa isang re-enacted budget dahil hindi pa nagkakasundo ang dalawang kapulungan ng Kongreso sa specific items na nakapaloob sa 2019 General Appropriations Act (GAA).
Nakasaad sa Salary Standardization Law na ang monthly salary ng entry-level personnel sa teaching profession, o Teacher 1, ay tataas sa P20,754 ngayong taon mula sa P20,179.
Comments are closed.