NASA 1.5 milyong pamilyang Filipino pa rin ang biktima ng ‘common crimes’ sa unang bahagi ng taong 2018, ayon sa pag-aaral ng Social Weather Stations (SWS) kahapon.
Mula Marso 23 hanggang 27 ng taong kasalukuyan ay lumalabas na 6.6 porsiyento ng pamilyang Filipino ang nabiktima ng mga krimen tulad ng pagnanakaw, panloloob, physical violence at carnapping.
Sa datos ng SWS ay lumilitaw na mas mababa ito ng isang puntos kompara sa 1.7 milyong pamilya o 7.6 porsiyento na naitala noong Disyembre 2017.
Karamihan sa mga krimen ay bunsod ng pagnanakaw o pagkawala ng mga ari-arian.
Ipinagmamalaki naman ng Philippine National Police (PNP) na mas kumaunti ang bilang ng mga Filipino na takot maglakad sa lansangan sa gabi dahil sa pangambang malooban ang bahay, ngunit mayorya pa rin ang naniniwala na puwede itong mangyari.
Samantala, lumobo ang bilang ng mga babaeng nabibiktima ng physical violence mula sa 11 porsiyento noong Disyembre 2017 sa 50 porsiyento ngayong taon.
Lumalabas din sa survey na ito ng SWS na mayorya ng biktima ng street robbery ay mga kababaihan sa 59 porsiyento.
Isinagawa ang survey sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 Filipino adults at may sam-pling error margin na ±2.5 percent sa national percentages habang ±2.5 percent naman para sa Metro Manila, Luzon, Visayas at Mindanao. VERLIN RUIZ
Comments are closed.