TARGET ng Department of Transportation (DOTr) na simulan ang konstruksiyon ng Asian Development Bank (ADB)-financed Malolos–Clark Railway Project sa Nobyembre at Disyembre makaraang lumagda ito sa tatlong civil works contracts na nagkakahalaga ng $1.7 billion o tinatayang mahigit sa P80 billion.
Sa isang virtual signing ceremony, sinabi ni Transportation Undersecretary for Railways Timothy John Batan na ang unang contract package N-01 ay para sa konstruksiyon ng 17 kilometers na elevated rail viaduct, kabilang ang pitong balance cantilever bridges at dalawang elevated steel frame station buildings, sa mga bayan ng Malolos at Calumpit sa Bulacan, at Apalit at Minalin sa Pampanga.
Ang P28.4-billion contract package N-01 ay iginawad sa joint venture ng Hyundai Engineering & Construction Co. Ltd., Megawide Construction Corp., at Dong-ah Geological Engineering Co. Ltd.
Samantala, ang P33.7-billion package N-02 ay kinabibilangan ng konstruksiyon ng 16 kilometers na elevated viaduct structure, kabilang ang isang elevated station building. Ang ikalawang kontrata ay sasakop sa mga bayan ng Minalin, Sto. Tomas, at San Fernando sa Pampanga.
“The contractor for this package will be the Acciona Construction Philippines and Daelim Industrial Co., Ltd. joint venture,” wika ni Batan.
Ang ikatlong contract package, ang N-03, na nagkakahalaga ng P22.8 billion ay kinabibilangan ng konstruksiyon ng 12 kilometers na elevated viaduct structure, kabilang ang isang elevated station building. Sasakupin nito ang local governments ng San Fernando, Angeles, at Mabalakat sa Pampanga.
Ayon kay Batan, ang contractor para sa package na ito ay ang Italian-Thai Development Public Company Ltd.
Anang transportation official, ang paglagda sa tatlong kontrata ay kumumpleto sa limang civil works packages para sa Malolos-Clark Railway project.
Noong Agosto ay iginawad ng DOTr ang $728 million na halaga ng civil works contracts sa joint venture ng Spain’s Acciona Construction Philippines Inc. and EEI Corporation., at South Korea’s POSCO Engineering and Construction Co., Ltd.
Ang naunang nilagdaang contract package N-04 ay para sa konstruksiyon ng 6.5 kilometers na railway at ng underground Clark International Airport station, na isang iintegrated airport station sa overall masterplan development ng Clark International Airport.
Samantala, ang package N-05 ay kinasasangkutan ng pagtatayo ng 33-hectare Clark Railway Depot.
“We are starting construction by November [or] December this year with the mobilization of our three contractors with partial operability scheduled in 2023 and our full completion scheduled 2025,” sabi ni Batan.
Halos 350,000 commuters ang inaasahang makikinabang sa proyekto araw-araw.
Ang Malolos-Clark Railway project ay inaasahan ding lilikha ng 24,000 local construction jobs sa susunod na tatlong taon. Ang railway system ay mag-eempleyo rin ng 1,400 katao.
“The project will also spur larger, indirect employment and economic benefits to local businesses and raw material suppliers and manufacturers,” ayon sa ADB.
Ang proyekto ay inaasahan ding magpapabilis sa biyahe sa pagitan ng Clark sa Pampanga at ng Manila mula dalawa hanggang tatlong oras sa pamamagitan ng bus sa isang oras sa pamamagitan ng train, na may maximum rail speed na hanggang 160 kilometers per hour.
Comments are closed.