1-BUWANG FREE TRAIN RIDES, AARANGKADA NA

MAHIGPIT na ipaiiral ang COVID-19 health protocols ng pamunuan ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) upang matiyak na hindi magkakaroon ng hawahan ng COVID-19 sa buong panahon nang pagkakaloob nila ng libreng sakay sa kanilang mga train commuters.

Ang pagtiyak ay ginawa ni MRT-3 General Manager Engr. Michael Capati, kasunod ng pagsisimula na ngayong Lunes, Marso 28, ng libreng sakay ng MRT-3, na magtatagal hanggang sa Abril 30, 2022.

Ayon kay Capati, inaasahan na nilang dadagsa ang kanilang mga pasahero dahil sa kanilang free ride program kaya’t magpapakalat sila ng mga train marshals sa kanilang mga platform upang matiyak na masusunod ang mga ipaiiral nilang health protocols.

Sinabi ni Capati na magpapatupad rin sila ng mga pamamaraan upang matiyak na hindi magkakaroon ng COVID-19 transmission, gaya ng regular na pag-disinfect sa mga tren.

“Mayroon pa rin tayong temperature check, social distancing sa pilahan at platform. Pagpasok nila sa loob ng tren, bawal pa rin ‘yong nakikipag-usap, kumakain, umiinom. At the same time, ‘yong wearing of face mask, laging dapat sinusunod natin. Nire-request lang namin na ang mga pasahero natin mag-abide pa rin tayo sa ating protocol kasi para sa kanila rin naman ‘yon,” pahayag pa ni Capati sa isang panayam sa radyo.

Kaugnay nito, tiniyak ni Capati na magde-deploy sila ng mas marami pang tren sa panahon nang pag-iral ng free ride program.

Aniya, naglunsad na sila ng dalawang four-car trains na kayang magsakay ng mahigit 1,500 pasahero bawat isa, bilang karagdagan sa 18 three-car trains nila na bumibiyahe ngayon.

Sa pagtaya ng MRT-3, posibleng umabot sa mahigit 400,000 ang kanilang daily passenger capacity dahil sa kanilang libreng sakay.

Ang pamahalaan aniya ang magpopondo sa operasyon ng libreng sakay ng MRT-3, na tinatayang aabot ng P2.7 milyon kada araw.

Matatandaang mismong si Pang. Rodrigo Duterte ang nag-anunsiyo na magkakaloob ang MRT-3 ng libreng sakay sa kanilang mga train commuters sa loob ng isang buwan, kasunod ng completion na ng rehabilitation project ng naturang rail line.

Ang naturang free rides ay maaaring i-avail mula sa unang biyahe pa lamang ng mga tren ganap na alas-4:40 ng madaling araw hanggang sa last trip nito na alas-10:10 ng gabi.

Wala namang biyahe ang mga tren ng MRT-3 mula Abril 12 hanggang 17, dahil sa kanilang Holy Week maintenance shutdown.

Ang MRT-3 ay bumabaybay mula North Avenue, Quezon City hanggang Taft Avenue, Pasay. EVELYN GARCIA