1 KARNAPER TUMBA, 7 PA HULI SA POLICE OPERATION

carnapper

CAVITE – NAPATAY ang isa sa pitong motorcycle thieves habang isa naman ang nasa kritikal na kalagayan makaraang makipagbarilan sa mga operatiba ng pulisya sa ba­hagi ng Barangay Paliparan III, Dasmariñas City, kamakalawa ng gabi.

Kasalukuyang bineberipika ang pagkakakilanlan ng napatay na suspek habang malubha naman ang isa pang suspek na si Val “Kambal” Rosal y Ornopia, 28, ng nasabing barangay.

Arestado naman ang iba pang suspek na sina  alyas James, 19, ng Brgy. Tirona; alyas Ian o Johnny “Jun” Lome y Palumini, 32, ng Sitio Pintung Gubat, Brgy. Paliparan III; James “Jimboy” Talaoc, 24, ng Carmona; Balbino “Ombid” Perel, 46; at si Sam, 19.

Kasalukuyang tunutugis naman ng mga operatiba ng pulisya ang nakatakas na isa pang suspek na si Mark “Mac Mac” Perel na sinasabing notoryus drug pusher at kawatan ng motorsiklo sa Cavite.

Sa police report na nakarating sa Camp Pantaleon Garcia, unang nasakote ng pulisya ang mga suspek na sina James at  Sam makaraang sikwatin ang motorsiklo ng biktimang si Franklin Mercene, 33, ng Brgy. Dacon sa bayan ng General Mariano Alvarez.

Gayunman, itinuro naman ng dalawa ang kinaroroonan ng motorsiklo ni Mercene kaya ikinasa ang police operation sa bahay ni Balbino sa Brgy. Pa­liparan III sa Dasmariñas City kung saan napatay ang isa habang sugatan naman si Rosal sa naganap na encounter.

Hindi na nakapalag ang iba pang suspek kung saan narekober sa bahay ni Balbino ang dalawang motorsiklo na sinasabing ninakaw, dalawang cal. 38 revolver na kargado ng mga bala, mga drug paraphernalia, nagkalat na basyo ng bala ng cal. 9mm pistol at cal. 38 revolver, at tatlong plastic sachets na shabu.    MHAR BASCO

Comments are closed.