1-M DEPEKTIBONG MGA BALOTA, WINASAK NG COMELEC

AABOT sa halos isang milyong mga depektibo at hindi na magagamit na official ballots at iba pang accountable forms ang sinimulan nang sirain ng Commission on Elections (Comelec) nitong Sabado.

Isinagawa ang seremonya ng pagwasak sa presensya ng media, political parties at iba pang observer sa National Printing Office sa Quezon City.

Ayon kay Comelec Commissioner George Erwin Garcia, hindi pumasa sa quality control ang mga sinirang balota dahil bukod sa may dumi, mali rin ang kulay at sukat at iba pang depekto.

Sinabi naman ni Comelec Spokesperson John Rex Laudiangco na sa kabuuang 933,311 sisiraing balota, 586,988 ang depektibong official ballots at 346,323 roadshow ballots o ang ginamit ng Comelec sa kanilang voters’ education campaign.

Tatagal aniya ng tatlong araw bago maubos ang sisiraing mga balota.

Sa kabuuan ay nasa 67,442,616 official ballots ang naimprenta ng Comelec para sa May 9 national at local elections. Jeff Gallos