1-M DISTANCE SA PUBLIC TRANSPO IBINALIK HABANG HINIHINTAY ANG DESISYON NI DUTERTE

1-METER

MANANATILI ang one-meter physical distancing ng mga commuter habang hinihintay ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa bagong polisiya na luwagan ang social distancing rules sa mga pampublikong transportasyon

Ayon kay presidential spokesperson Harry Roque, ginawa ni Transportation Secretary Arthur Tugade ang anunsiyo sa pagpupulong ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) noong Huwebes.

“Pansamantalang isususpinde ang implementasyon ng 0.75 [meter] na distancing sa mga pampublikong transportasyon at ibabalik po ito sa sa one meter,” wika ni Roque sa isang elevised briefing.

Aniya, maaaring ilabas ng Presidente ang desisyon sa susunod na Lunes.

Sa ilalim ng bagong protocol na ipinalabas ng Department of Transportation (DOTr) noong nakaraang linggo, ang kasalukuyang one-meter distance ay babawasan sa 0.75 meters simula September 14. Maaari pa itong bawasan sa 0.5 meters makalipas ang dalawang linggo, at sa 0.3 meters pagkalipas ng dalawa pang linggo.

Idinepensa ni Tugade ang hakbang at sinabing resulta ito ng research at simulation ng Philippine National Railways.

Tinutulan ng ilang medical experts at government officials ang polisiya at iginiit na maaari itong mag-udyok sa paglobo pa ng COVID-19 cases.

Ayon sa Metro Manila Council na binubuo ng mga alkalde sa National Capital Region, hindi sila kinonsulta ng DOTr sa reduced physical distancing.

Comments are closed.