1-M PAMILYANG PINOY MAKIKINABANG SA PAGPAPALAWIG NG REAL ESTATE TAX AMNESTY

PINASALAMATAN ni Albay 2nd District Rep. Joey Sarte Salceda, ang pamunuan ng Kamara sa suporta nito, at sa mabilis na pagpasa ng Kapulungan nitong nakaraang Mayo 11 sa House Bill 7909 na magpapahaba ng dalawang taon uli sa umiiral na “Estate Tax Amnesty” na akda niya.

Tinataya ni Salceda, chairman ng House Ways and Means Committee, na mahigit 920,000 o halos isang milyong pamilyang Pilipino ang makikinabang sa naturang panukalang batas.

Layuning palawigin ng HB 7909 ang amnestiya sa pagbabayad ng Estate tax o buwis sa mga ari-arian, kasama ang ipinamamanang lupain at bahay, hanggang Hunyo 14, 2025 mula sa nakatakda nitong hangganan sa Hunyo 14 ngayong taon.

Ipinaliwanag ni Salceda sa “Committee on Rules ng Kamara na ang ideya sa mabisa at mabilis na paglipat sa pag-aari ng mga ari-arian ay upang mabuksan ang kahalagahan ng mga ito sa silbing pang-ekonomiya. “Maaaring masyadong prangka ang tunog nito ngunit totoo namang wala nang magagawa ang patay para maging kapaki-pakinabang ang mga ari-arian. Sa buhay na miyembro ng pamilya na ito nakaatang,” ayon sa kanya.

Kapag naging batas ang HB 7909, pangalawang pagpapalawig na ito sa “estate tax amnesty.” Itinalaga sa ilalim ng RA 11213 mula 2019 hanggang Hunyo 14, 2021, at unang pinalawig ng dalawang taon o hanggang Hunyo 14, 2023 sa ilalim ng RA 11569 na likha ng nakaraang Kongreso.

Binigyang diin ni Salceda na pangunahing prayoridad ng Kongreso ang muling pagpapasigla sa ekonomiya ng bansa, at nakaangkla ito sa mabisang paggamit at pangangasiwa sa mga ‘capital assets,’ lalo na ang mga lupain. Magiging kapaki-pakinabang sa ekonomiya ang mabilis na paglipat ng mga aria-arian sa mga mabisang gagamit ng mga ito,”dagdag niya.

Ayon sa mambabatas, ang hindi naisasaayos na buwis sa mga ari-arian ang malimit maging dahilan ng hindi paggamit nito sa maraming taon, kaya nang unang naisabatas ang Estate Tax Amnesty at pinalawig ito, 133,860 Pilipino ang gumamit nito mula 2019 hanggang 2023 na nagbunga naman ng P7.4 bilyong koleksiyong buwis.

Ipinaliwanag din niya na karaniwan ay nakakaligtaan ang pagsasaayos ng buwis sa mga ari-arian dahil inuuna muna ng mga Pinoy ang mga bayarin kaugnay sa ospital at libing kapag mayroong namamatay sa pamilya. Ito ang dahilan ng amnestiya at ng pantay na 6% na ‘estate tax’ na wala nang patong at simpleng paraan ng pagbayad nito, dagdag niya.