NATUKOY ng Commission on Elections (COMELEC) ang mahigit isang milyong rehistradong botante na mayroong doble o multiple registration.
Ibinahagi ni Comelec Chairperson George Erwin Garcia na nadiskubre ang mga botanteng ito sa pamamagitan ng Automated Fingerprint Identification System (AFIS).
Ang AFIS ay isang sistema na gumagamit ng biometric data ng mga botante upang tukuyin ang mga may doble o maramihang rehistro.
Dahil dito, ang mga natukoy na botante ay hindi na papayagang bumoto sa nalalapit na national, local and Bangsamoro Parliamentary Elections sa Mayo, 2025.
“We will be deleting some one million voter registration records found by our AFIS as double or multiple registrants” pahayag ni Garcia sa isang press briefing sa Bangsamoro Government Center.
Posible ring sampahan ng kaso ang mga natukoy na may maramihang rehistro.
“The fact that you registered more than once, whatever your reason is, could be punishable as an election offense. We will check the reasons behind the multiple registrations if they are just cases of transfer that weren’t immediately forwarded, or reactivation but applied as a new registrant… we will check if it is in good faith,” dagdag ni Garcia.
Ayon sa ulat ng Comelec nitong Linggo, mayroon nang 68,618,667 rehistradong botante sa buong bansa hanggang sa pagtatapos ng registration noong Setyembre 30.
RUBEN FUENTES