1 MILLION TREE IN ONE DAY PROJECT TAGUMPAY

tree planting

ISABELA – ITINUTURING na isang tagumpay at maayos na nailunsad ang kauna-unahang at makasaysayang “1 Million Trees in One Day Project’’ ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela sa kabundukan ng Sierra Madre sa kahabaan ng Ilagan-Divilacan Road sa Sindom Bayabo, Ilagan City.

Pinangunahan nina Isabela Governor Rodito Albano III at Vice Gobernor Faustino “Bojie’’ Dy III, at Ilagan City Mayor, Jose Mari Diaz, ang tree planting activity, kabilang ang iba pang opisyal at mga kawani ng pamahalaang panlalawigan, pamahalaang lunsod ng Ilagan, mga opisyal ng barangay, mga mag-aaral, mga kabataan at iba pang sector ng lalawigan ng ­Isabela.

Kabilang din sa nakiisa sa aktibidad ang Department of Education (DepEd) Isabela, tree planting activity sa pamamagitan ng pagtatanim ng mga guro ng punla ng punong kahoy sa loob ng kanilang mga paaralan.

Maging ang iba’t ibang bayan sa Isabela ay nagsagawa ng pagtatanim ng mga punla ng kahoy sa kanilang lugar para makamit ang target na isang milyong tree seedling sa loob ng isang araw.

Inihayag pa ng gobernador na maaaring gawin na ng pamahalaang panlalawigan ang tree planting activity bawat anim na buwan para tuloy-tuloy ang  pagtatanim ng mga punla ng kahoy sa mga kabundukan sa Isabela.

Aniya, imo-monitor ng Environment and Natural Resources Office (ENRO) ang mga itinanim na tree seedlings upang mapa­ngalagaan ang mga ito at madaling lumaki.

Nagpasalamat sina Albano at si Vice Gov. Bonjie Dy, sa lahat ng mga nakiisa na lumahok sa nasabing tree planting project. IRENE GONZALES 

Comments are closed.