(1 nasagip, 1 missing sa magkapatid) BANGKA NG MANGINGISDA SA MASBATE, BINANGGA NG CARGO SHIP

BURIAS ISLAND – ISA ang himalang nakaligtas at nawawala ang kapatid ng dalawang mangingisda matapos banggain ang kanilang bangka ng isang cargo ship sa karagatang sakop ng Burias Island sa lalawigan ng Masbate dakong alas dos ng madaling araw nitong Agosto 10.

Ayon kay Junnie Cortes, isang pasaherong sakay ng Star Horse Shipping Lines, natagpuan ng barko ang mangingisdang si Ronald Marientes ng Barangay Mabini, San Pascual habang nawawala ang nakababatang kapatid nitong si Roldan.

Inihayag pa ni Cortes na limang oras umanong nagpalutang-lutang ang sasakyang pandagat ng mga ito.

Sinabi naman ni Jennifer Lescoton, pinsan ni Marientes na umalis ang magkapatid para mamalakaya gamit ang isang ‘kumpit’ subalit ang nakatatandang mangingisda pa lamang ang nailigtas ng mga crew ng barko.

Kaugnay nito, nanawagan ang pinsan ng mga mangingisda sa publiko na ipaalam sa kanila kung sakaling may nakakita sa nawawalang kamag-anak.

RUBEN FUENTES