IFUGAO- DAHIL sa malakas na buhos ng ulan dulot ng bagyong Henry, isang magsasaka ang nasawi sanhi ng landslide sa Sitio Natulan, Brgy. Mongol, Mayoyao sa lalawigang ito.
Sa inisyal na ulat ng National Disaster Risk Reduction Management Council, kinilala Ang namatay na si Renie Omayho Bullan, 37-anyos matapos matabunan ng landslide sa Sitio Natulan, Brgy. Mongol.
Base sa imbestigasyon ng pulis, pumunta ang biktima sa bahay ng kanyang kapatid para sumilong dahil sa lakas ng ulan dala ng super typhoon Henry at Tropical Depression Gardo ay lumambot at gumuho ng lupa na tumabon sa bahay.
Agad nagsagawa ng search and retrieval operation at natagpuan ang bangkay ng biktima nitong Huwebes.
Samantala, bahagyang humina ang bagyong Henry subalit naging mabagal naman ang pagkilos nito habang tinatahak ang landas palabas ng area of responsibility ng Pilipinas.
Nagtaas na ng tropical cyclone wind signal no. 2 ang PAGASA sa Batanes dahil sa typhoon Henry.
Nananatili naman sa signal no.1 ang Babuyan Islands at Northeastern portion ng mainland Cagayan (Santa Ana).
Taglay nito ang lakas ng hangin na 165 kph at may pagbugsong 205 kph.
Huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 365 km sa silangan hilagang silangan ng Itbayat, Batanes. VERLIN RUIZ