1 PANG BATA KUMPIRMADONG MAY SAKIT NA POLIO

Polio

LAGUNA – KINUMPIRMA ng pamunuan ng Department of Health (DOH) ang isa pang batang lalaki na dinapuan ng sakit na Polio sa Calamba, City sa Laguna matapos lumabas ang resulta ng isinagawang pagsusuri sa samples ng Japan National Institute for Infectious Disease.

Sinasabing residente ng Brgy. Linga sa lungsod ng Calamba ang bata kung saan nananatili at patuloy na binabantayan pa rin ngayon sa kanilang tirahan.

Ayon kay DOH-Calabarzon Director Dr. Eduar­do Janairo, lumilitaw na noong 2014 nang mabakunahan ng Anti-Polio ang bata.

Sumailalim pa umano ito sa isang operasyon sa St. Lukes bago pa lumitaw ang iba’t ibang sakit, ang malimit na pagdumi at multiple pediatric di­seases bukod sa iba pa nitong nararamdaman sa katawan kung saan dumanas ng onset paralysis ang bata nitong Agosto 25 ng taong kasaluku­yan.

Sa kabila na severe malnourished ang bata, nakalalakad at nakakausap pa rin naman ito ng kanyang mga magulang.

Dahil dito, sinabi ni Janairo na nakatakdang ilipat sa ospital sa Maynila ang bata sa lalong madaling panahon para doon mapangalagaan ng mga dalubhasa batay na rin sa kahilingan ni Health Secretary Francisco Duque III.

Kaugnay nito, agarang nagpalabas ng Advisory si Duque sa lahat ng local executives, health workers at sa mga magulang ng mga batang nasa edad limang taong gulang pababa na makipagtulungan at makiisa sa isasagawang synchronized polio vaccination sa kanilang komunidad para agarang makaiwas sa kumakalat na virus dahil may una ng naitala na isa pang tatlong taong gulang na batang babae sa Lanao del Sur ka­makailan.

Bukod dito, sinabi pa ni Duque na dapat ma­panatili ang good personal hygiene o ang kalinisan sa pamamagitan ng regular na paghuhugas ng kamay, gumamit ng tamang palikuran, pag-inom ng malinis na tubig at lutuin nang maayos ang lahat ng mga pagkain. DICK GARAY

Comments are closed.