1 PANG PINOY SUGATAN SA GULO SA LIBYA

libya

PASAY CITY – UMAAPELA ng tulong ang Department of Foreign Affairs (DFA) para sa isa pang overseas Filipino worker na sugatan matapos na madamay sa gulo sa Libya.

Sa direktiba ni DFA Secretary Teddy Locsin, ang naturang OFW ay tinamaan ng pagsabog ng mortar na tumama sa compound kung saan sila nagtatrabaho sa isang oil at gas services provider.

Ang kasamahan umano ng Pinoy na isang Sudanese national ay minalas nang mapuruhan sa pagsabog.

Sinisisi naman ni Cato ang kompaniya ng Pinoy worker na dapat ay noon pang mga nakaraang linggo isinagawa ang evacuation sa mas ligtas na lugar dahil malapit lamang sa pinagtatrabahuan nila ang nangyayaring labanan.

Para naman kay Locsin, dapat mag-alok na rin ang DFA ng kaukulang tulong para sa namatay na Sudanese worker.

Una nang bumuo ng composite team ang DFA at si Environment Secretary Roy Cimatu na ipapadala upang pag-aralan kung papaano ang gagawing mas maayos na repatriation kung sakali sa 1,000 mga OFW na naiipit sa Tripoli, Libya.

Ang Libyan crisis ay bunsod ng dekla­rasyon ni Gen. Khalifa Haftar na unti-unti na ang pagkubkob nila sa kabisera na Tripoli mula sa UN-backed government ni Prime Minister Fayez al-Serra.

Patuloy naman ang paglunsad ng counter-offensive ng government forces kasama na ang air strikes laban sa umaabanse na Libyan National Army (LNA.

Sinasabing mahigit na sa 220 katao ang nasawi sa patuloy na paglala ng sitwasyon sa naturang bansa.     PILIPINO Mirror Reportorial Team

Comments are closed.