1 PATAY, 1 KRITIKAL SA PAGPAPASABOG NG BIFF

MAGUINDANAO-ISA ang nasawi at isa ang malubhang nasugatan sa naganap na pagpapasabog na hinihinalang kagagawan ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighter (BIFF) kahapon ng umaga sa lalawigang ito.

Nakilala ang nasawi na si Alberto “Panong” Delos Santos habang sugatan ang kanyang angkas, mga residente ng Barangay Purikay, Lebak, Sultan Kudarat.

Kasalukuyang pinaghahanap ng mga tauhan ni Joint Task Force Central Commander Major General Juvymax R. Uy ang mga responsable na pinaniniwalaang kagagawan ng grupong BIFF.

Sa ginawang pagsisiyasat ng 57th Infantry “Masikap” Battalion at South Upi Municipal Police Station, naganap ang roadside bombing malapit sa isang tower ng telecommunication company sa Timanan Public Market, Brgy. Romongaob, South Upi.

Nagkataong dumaan ang mga biktima na lulan ng motorsiklo nang tinamaan sa pagsabog kung saan agad na namatay si Delos Santos na tinamaan sa ulo habang naisugod sa pagamutan ang kanyang kasama.

“We condemn the incident, we found out that the bomb was a signature made by the Daesh Inspired Group BIFF. They targeted the town’s local chief executive Ma­yor Reynalbert Insular. Mayor Insular would have gone through the area to go to Barangay Kuya for the settlement of a problem in the said Barangay but did not pursue due to the incident” ani Uy na kung saan may nadiskubre pang secondary bomb malapit sa blast site. VERLIN RUIZ

Comments are closed.