1 PATAY, 1 SUGATAN NANG MAGULUNGAN NG TRUCK

MATINDING pinsala sa ulo ang dahilan ng pagkamatay ng isang babaeng massage therapist nang maaksidente ang minamanehong motorsiklo at magulungan ng isang truck habang sugatan ang angkas sa Malate, Maynila kahapon ng madaling araw.

Mismong sa pinangyarihan ng insidente inabutan ng kanyang kamatayan ang biktimang si Vernadette De Bor y Salonga, 30-anyos, dalaga, isang massage therapist ng 300 S Castillo St., San Pedro Pateros at driver ng Honda ANF100 plate number 9447 NL motorcycle habang sugatan ang angkas nitong si Jasmin Cristy Capital y Crisostomo, 31-anyos, isang physical therapist ng 9F Victor St., Tramo, Pasay City.

Nasa kostudiya na ng pulisya ang driver ng isang Howo truck na may plakang NFY 3852 na si Severino Del Rosario y Evangelista, 47-anyos, may-asawa ng Sitio Hulo, Brgy Akle, San Ildefonso, Bulacan.

Batay sa inisyal na ulat ni Cpl. Genesis Flagne ng Manila Police District (MPD), dakong alas-12:30 kahapon ng madaling araw nang maganap ang insidente kung saan minamaneho ng biktima ang kanyang motorsiklong at angkas nito si Capital habang binabagtas ang southbound ng Taft Ave., sa panukalan ng P. Ocampo St., Malate, Manila nang tinangka ng truck driver na si Del Rosario na kumaliwa subalit pumaling ito sa kanan kaya nasagi ang motorsiklo at nagulungan pa si De Bor.

Bunsod ng pinsalang tinamo ay agad na nagresulta sa agarang kamatayan ni De Bor ang insidente habang isinugod sa ospital ang angkas nito na kasalukuyan pa ring ginagamot. PAUL ROLDAN